NCAA stepladder semifinals, lalarga sa MOA Arena
Mga Laro Ngayon (MOA Arena)
1:00m.h. -- San Sebastian vs CSB-LSGH (jrs)
3:30 n.h. -- San Sebastian vs Letran (srs)
SINO ang huling uusad at kukumpleto sa Final Four?
Mabibigyan ng kasalukuyan ang pinananabikang senaryo sa paghaharap ng season host San Sebastian College at Letran sa do -or-die match sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament ngayon sa MOA Arena sa Pasay City.
Naitakda ang duwelo ng Stags at Knights matapos makalusot ang huli sa unang playoff match nitong Biyernes kontra Arellano University.
Kapwa tumapos na may 9-9 karta ang San Beda, Letran at Arellano sa pagtatapos ng double round elimination.
Nag bye ang Stags dahil sa taglay na mas mataas na quotient habang nagharap sa knockout match ang Knights at Chiefs na may mas mababang quotients.
Ang magwawagi ngayong hapon ang sasampa sa unang stepladder match kontra sa No. 3 seed na Jose Rizal University sa Biyernes (Oktubre 27) sa MOA Arena kung saan ang mananalo ay haharap sa second seed at defending champion San Beda College sa susunod na Biyernes (Nobyembre 3) para sa karapatang hamunin ang topseed at outright finalist Lyceum of the Philippines University sa best-of-3 finals series na magsisimula sa Nobyembre 7.
“We all knew the aggressiveness and physicality of San Sebastian ,kailangan mapaghandaan namin yun kung di man namin ma-match,” pahayag ni coach Jeff Napa ng Knights.
“Aside from their aggressiveness and physicality, we must be ready with their outside shooting, kailangan malimitahan namin yum. So dapat double kundi man triple dapat ang effort namin sa defense, “ aniya.
Sa panig naman ng Stags, umaasa si coach Egay Macaraya na ang mga pinagdaanang hirap at natutunan sa mga nakaraang laban na bumuhay sa tsansa nilang umusad sa susunod na round ay madala nila at magamit sa susunod na laro.
“Hopefully it will overcome all the concerns entering the playoffs, “ pahayag ni Macaraya.
Ganap na 4:00 ng hapon ang pagtutuos ng San Sebastian at Letran pagkatapos ng knockout game ng San Sebastian Staglets at CSB-La Salle Greenhills para paglabanan ang pang-apat na Final Four berth sa juniors division.
Ang magwawagi sa nasabing laro ang makakatunggali naman ng defending champion at topseed San Beda Red Cubs sa Final Four round.
“I’m looking forward for this match,” pahayag ni Rey Nambatac, inaaahang mapipili sa gaganaping PBA Rookie Drafting sa Linggo.