Muling naperhuwisyo ang mga pasahero ng Metro Rail Transit Line (MRT)-3 kahapon dahil sa isang maruming diaper na sumabit sa kable, at sa pintuan ng tren na ayaw sumara.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, napilitan ang pamunuan ng MRT-3 na magpatupad ng provisional service, o biyaheng mula sa Shaw Boulevard Station hanggang Taft Avenue Station lamang, dahil sa isang maruming diaper na itinapon sa riles at sumabit sa cable wire, sa pagitan ng Ayala at Buendia Stations.

Sumabit, aniya, sa kawad ng MRT-3 ang diaper na inihagis ng hindi pa nakikilalang indibiduwal kaya napilitan silang limitahan ang biyahe dakong 6:16 ng umaga.

Noong una, aniya, ay hindi pa alam ang dahilan kung ano ang sanhi ng aberya kaya siniyasat muli ang mga bagon at riles hanggang sa makita ang nakasabit na diaper sa cable wire.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Nakatama ‘yung diaper sa overhead cabinary system (OCS). Ang OCS ay ‘yung daluyan ng kuryente at ‘yung OCS ang dumidikit sa pantograph, na ‘yung kuryente naman kumukuha papunta sa mga bagon,” paliwanag ni Chavez.

Umabot ng mahigit isang oras ang pagtatanggal sa nakasabit na diaper dahil sa current ng kuryente at underground ang location ng apektadong lugar, bago tuluyang naibalik sa normal ang biyahe ng MRT-3 dakong 7:34 ng umaga.

Gayunman, isa pang tren ng MRT-3 ang nagkaaberya bandang 8:16 ng umaga dahil ayaw magsara ng pinto ng isang tren, kaya pinababa ang mga pasahero sa Shaw Boulevard Station.

Muli namang humingi ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 sa mga naabalang pasahero dahil sa magkasunod na aberya. - Mary Ann Santiago