OKLAHOMA CITY (AP) — Naibuslo ni Andrew Wiggins ang ‘hailed-mary’ shot sa half court sa huling buzzer para sandigan ang Minnesota Timberwolves sa 115-113 panalo kontra Oklahoma City Thunder nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Naisalpak muna ni Thunder forward Carmelo Anthony ang three-pointer para maibigay ang 113-112 bentahe may 5.1 segundo ang nalalabi sa laro. Mula sa inbound, mabilis si Wiggins at sa tulong ng pick ng kasanggang si Karl-Anthony Towns nakasilip ng libreng tira para sa game-winner.

DIRETSO sa net ang patapon na tira ni Wiggins para sa panalo ng Wolves kontra Thunder.  AP
DIRETSO sa net ang patapon na tira ni Wiggins para sa panalo ng Wolves kontra Thunder. AP
Kumubra sina Wiggins at Towns ng tig-27 puntos.

Hataw si Russell Westbrook sa Thunder sa natipang 31 puntos, kabilang ang 15 sa final period, habang kumasa si Anthony na may 23 puntos at umiskor si Paul George ng 14 puntos. Nag-ambag si Steven Adams ng 17 puntos at 13 rebounds para sa Oklahoma na nagtamo ng magkasunod na kabiguan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

NETS 116, HAWKS 104

Sa New York, ginapi ng Brooklyn, sa pangunguna nina Allen Crabbe na may 20 puntos at DeMarre Carroll na may 17 puntos, ang Atlanta Hawks.

Nag-ambag sina Caris LeVert at D’Angelo Russell ng tig-16 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Nets matapos ang opening day loss.

Nanguna si Marco Belinelli sa Atlanta (1-2) sa nakubrang 19 puntos.

Nakamit ng Brooklyn ang ikalawang sunod na panalo na wala ang leading points guard na si Jeremy Lin, nagtamo ng knee injury na ipinapalagay na magpapa-sideline sa kanya sa kabuuan ng season.

Mula sa 98-87 paghahabol sa huling 7:47 ng laro, nagawang makatabla ng Hawks sa 99-all mula sa three-pointer ni Belinelli kasunod ang dalawang free throw ni LeVert, para sa 12-2 run na nagpatabla sa iskor sa 99-all may 5:19 sa laro.

PELICANS 119, LAKERS 112

Sa Los Angeles, doble-puwersa ang tambalan nina Anthony Davis sa naiskor na 27 puntos at DeMarcus Cousins na may 20 puntos sa panalo ng New Orleans Pelicans sa Lakers.

Umabot sa 22 puntos ang bentahe ng Pelicans sa second quarter at tangan ang double digits na kalamangan patungo sa final period. Ngunit, nagawang makabangon ng Lakers sa kabila ng malamyang laro ni rookie star Lonzo Ball para maagaw ang bentahe. Sa kabila nito, nagpakatatag ang Pelicans.

Nanguna si reserve guard Jordan Clarkson sa naharbat na 24 puntos, habang nalimitahan si Ball sa walong puntos, 13 assists at walong rebounds.