Ni: Fr. Anton Pascual

MGA Kapanalig, sang-ayon po ba kayo sa paglalagay ng mga “Tokhang drop box” sa mga barangay? Dito raw ihuhulog ng mga tao ang pangalan ng mga sinasabing tiwaling opisyal ng barangay o ang mga taong sinasabing sangkot sa ilegal na droga.

Bahagi po ang “Tokhang drop box” sa programa ng Department of Interior and Local Government (DILG) na MASA-MASID o Mamamayang Ayaw sa Anomalya, Mamamayang Ayaw sa Ilegal na Droga. Layunin ng MASA-MASID na hikayatin ang mga tao sa mga pamayanan na lumahok sa kampanya ng pamahalaan kontra kriminalidad, katiwalian, at ilegal na droga.

Isang paraan ang pagsusumbong sa awtoridad gamit ang drop box.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

May mga drop box na sa ilang pamayanan sa Quezon City at Tacloban, at sa susunod na buwan, gagawin na rin ito sa Cebu City. Nababahala ang Commission on Human Rights (o CHR) at maging ang ilang lider ng Simbahang Katoliko sa sistemang ito ng pagkuha ng “anonymous tips” upang solusyonan ang mga problema sa pamayanan.

Maaaring maganda raw ang layunin ng programa upang makapagsumbong ang mga natatakot magsalita tungkol sa nakikita nilang mali sa kanilang lugar. Ngunit lantad ito sa pang-aabuso ng mga taong nais lamang siraan ang kanilang kapwa.

Maaari ring mga inosente ang i-report.

Pagtitiyak naman ng DILG, sasailalim sa beripikasyon ang anumang impormasyong matatanggap sa mga drop box bago ipaalam sa mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga sinasabing gumagamit o nagtutulak ng bawal na droga. May beripikasyon din sa mga pangalang ipadadala sa Office of the Ombudsman para naman sa mga opisyal na sinasabing sangkot sa katiwalian. Gayunman, bukás daw ang DILG at PNP na ipatigil ang programa.

Anong palagay n’yo, mga Kapanalig? Mapagkakatiwalaan ba natin ang ganitong sistema ng pakikilahok ng mamamayan at pagtugon sa mga problema natin sa ating mga barangay? Paano beberipikahin ng DILG ang mga impormasyong matatanggap?

Maisasagawa kaya ito sa paraang may paggalang sa batas at karapatan ng mga tao?

Ang mas malalim na tanong: tunay at makahulugan bang pakikilahok ng mamamayan ang paggamit sa “Tokhang drop box”?

Itinuturo sa atin ng Santa Iglesia ang kahalagahan ng pakikibahagi sa lipunang ating kinabibilangan dahil sa ganitong paraan, nakaaambag tayo sa pagsusulong ng kabutihan ng lahat, o ang common good. At sa tindi ng mga problema sa ating mga barangay at ang paraan ng pagtugon ng pamahalaan sa mga ito, lalong mahalagang may boses tayo bilang mga pinaglilingkuran ng ating mga inihahal. At hindi ito magagawa sa pamamagitan lamang ng paghuhulog ng impormasyon sa mga drop box.

Mapanganib ang programang ito ng DILG. Maaaring paigtingin ng “Tokhang drop box” ang hindi pagkakasundo ng mga tao sa mga barangay. Nagbibigay ito ng pagkakataon sa mga taong gantihan ang mga kagalit nila kahit na walang kinalaman ang mga ito sa droga. Pinahihina ng ganitong programa ang tiwala ng mga tao sa isa’t isa, at salungat ito sa common good.

Sa halip na patatagin ang pagtutulungan ng mga nasa pamayanan, baka kabaliktaran ang mangyari.

Mas mainam na palakasin na lamang ang ugnayan ng mga magkakabarangay batay sa bukás na impormasyon, mahinahon at magalang na pakikipagtalakayan, at pagtitiwalang hindi nagmumula sa pananakot.

May pondo ang mga lokal na pamahalaan na magagamit para sa mga gawaing magbibigay sa mga tao ng pagkakataong pag-usapan ang kanilang mga kinakaharap bilang magkakabarangay. Kailangan na lamang himukin pa lalo ng ating mga namumuno sa barangay ang pagsali ng mga tao sa ganitong mga gawain. Sa panig ng pulisya, kailangang pahusayin ang tinatawag na intelligence gathering upang mapilay ang supply ng droga sa mga barangay, sa halip na umasa sa mga sumbong na ihuhulog sa “Tokhang drop box.”

Sumainyo ang katotohanan.