18-0 sweep sa NCAA, naisakatuparan ng Lyceum Pirates.
KLASIKONG panalo para sa makasaysayang kampanya ng Lyceum of the Philippines University Pirates sa NCAA men’s basketball.
Dumaan sa matandang kawikaan na butas ng karayom ang Pirates para maitakas ang 107-105 double overtime win kontra San Beda College Red Lions at kumpletuhin ang double round elimination sweep sa Season 93 ng pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Mistulang nagkampeon ang Pirates, kasama ang mga opisyal at tagahanga sa center court ng FilOil Flying V Center nang maagaw ni CJ Perez ang bola sa huling pagtatangka ng San Beda na makahirit pa sa buzzer.
Bukod kay Perez, nangibabaw ang husay ni Mike Nzeusseu na kumana ng 27 puntos at 21 rebounds at dalawang blocks.
Kumubra si Perez, nangunguna sa MVP award, sa naiskor na 20 puntos, anim na rebounds, anim na assists at apat na steals.
Magkatuwang ang dalawa sa huling anim na free throws sa huling dalawang minuto ng second overtime na siyang sandigan ng Lyceum para maisakatuparan ang 18-game sweep at pantayan ang nagawang tagumpay ng San Beda noong 2011.
Awtomatikong umusad sa championship round ang Pirates – kauna-unahan sa koponan – mula nang maging miyembro ng pinakamatandang liga sa bansa noong 2010.
Tangan nila ang thrice-to-beat na bentahe sa championship series. Sasabak naman ang San Beda sa playoff kasama ang No.3 Jose Rizal College at ang magiging No.4 team sa pagtatapos ng elimination round.
Kasalukuyang naglalaro ang San Sebastian College at Perpetual kung saan sakaling manalo ang Stags ay lilikha ng triple-tie para sa No.4 spot kasama ang Letran at Arellano University.
Iskor:
LPU (107) – Nzeusseu 27, Perez 20, Marcelino JC 9, Caduyac 9, Pretta 8, Santos 8, Ayaay 7, Baltazar 6, Serrano 6, Marcelino JV 4, Ibanez 1
SAN BEDA (105) – Tankoua 34, Bolick 16, Mocon 14, Doliguez 13, Abuda 8, Presbitero 6, Soberano 5, Noah 4, Oftana 3, Cabanag 2, Potts 0, Bahio 0, Adamos 0
Quarterscores: 25-22, 56-46, 70-69, 85-85, 97-97 (1OT), 107-105 (2OT)