Ni CHITO A. CHAVEZ
NAKATAKDA na sanang magpiyansa ang kontrobersiyal na aktor na si Baron Geisler, na inaresto ng Quezon City police dahil sa kanyang panggugulo sa loob ng resto bar, nang silbihan naman ng outstanding warrant of arrest na maaaring maging dahilan upang matagalan ang kanyang paglaya.
Nakakuha ang Quezon City Police District (QCPD) ng outstanding arrest warrant para sa aktor na isinampa ng Municipal Trial Court sa Lapu-Lapu City, Cebu dahil sa paglabag sa Civil Aviation Law hinggil sa umano’y paninigarilyo ng aktor sa loob ng eroplano.
Nahaharap ngayon si Baron sa tatlong reklamo: unjust vexation, alarm and scandal, at paglabag sa Civil Aviation Law.
Ang mas kalmadong Baron Geisler ay pansamantalang inilabas sa bilangguan para sa inquest proceedings nitong Martes.
Aniya, mas maigi pang maaresto sa hindi magandang pag-uugali kaysa sa mapasama sa “Tokhang” o masangkot sa illegal drugs.
“Well, mas mabuti naman ‘to kaysa ma-Tokhang, di ba? ‘Tsaka peke-pekeng gawa-gawa ng mga pulis na ‘to,” saad ni Geisler sa mga mamamahayag.
Naghihintay ang pulisya ng release mula sa korte para sa aktor ngunit hindi siya maaaring lumabas ng kulungan hangga’t hindi siya nakakapagpiyansa sa kanyang tatlong kaso.
May mahabang kasaysayan si Baron ng pagkakaaresto ng mga awtoridad dahil sa iba’t ibang kaso gaya ng pagmamaneho nang lasing, pangmomolestiya, at iba pa.
Nitong Martes, nakahanap si Assistant City Prosecutor Marizen Grutas ng probable cause para magsampa ng kaso laban kay Geisler, 35, “Considering the respondent was actually seen by the complainant committing the acts” sa TGI Fridays sa Tomas Morato.
Sinabi ng abogado ni Geisler na si Jay Sangalang, na ang aktor ay nakatakdang magpiyansa ng P4,000 ngunit nananatiling nasa kulungan dahil sa dalawang araw na suspensiyon ng klase at trabaho.
Ayon sa mga report, inihayag ng management ng TGI Fridays na banned si Geisler sa branches nito dahil sa hindi magandang pag-uugali, lalo na kapag nasa nalalasing na.
Bandang alas sais ng gabi nitong Lunes, dumating si Baron sa TGI Fridays at pinayagang pumasok, bilang paggalang na rin, dahil mukha itong kalmado at matino.
Nagsimula ang gulo nang sigawan at murahin umano ni Baron ang dalawang lalaking kustomer nang walang kadahi-dahilan, kaya nilapitan siya ng security guard para pakalmahin.
Pero naging magulo si Geisler at hinamon pa ng away ang security guard kaya tumawag na sa pulisya ang management.
Humingi ng paumanhin si Donald David Geisler, nakatatandang kapatid ng aktor at two-time taekwondo Olympian, sa inasal ni Baron at sinabing nais ng pamilya na humingi ng propesyunal na tulong para sa aktor.