Ni GENALYN KABILING, May ulat nina Beth Camia, Fer Taboy, at Charina Clarisse L. Echaluce

“Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from terrorist influence.”

Sinalubong ng palakpakan ng mga sundalo, pulis, lokal na opisyal, at ilang residente ng Marawi ang pahayag na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon, sa muli niyang pagbisita sa siyudad kasunod ng pagpatay sa dalawang lider ng teroristang grupo.

Kaagad na bumiyahe ang Pangulo kahapon upang personal na batiin ang mga pulis at sundalo at kilalanin ang kabayanihan ng mga ito sa halos limang buwang pakikipagbakbakan sa laban sa Maute-ISIS, at ihayag ang pagsisimula ng rehabilitasyon ng lungsod.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Ito na ang ikapitong pagbisita ni Duterte sa Marawi simula nang kubkubin ng mga terorista—kabilang ang ilang dayuhan—ang siyudad noong Mayo 23, na sinundan ng pagdedeklara ng Presidente ng batas militar sa buong Mindanao.

“Mga mahal kong sundalo, ang problema ko, ang nasugatan ngayon, marami ‘yan. ‘Yung iba baldado,” sabi ni Duterte. “I can guarantee you, sinasabi ko sa inyo ngayon, walang iwanan. Ipupuwesto ko silang lahat.”

Habang inihahayag ito ng Pangulo ay maririnig pa rin sa paligid ng Marawi City ang manaka-nakang putok ng baril.

‘HINDI NA MAUULIT’

Kasabay nito, humingi rin ng paumanhin si Duterte sa mga taga-Marawi.

“I apologize to the Maranao people… Hindi namin ito ginusto,” aniya. “Ang pangako ko kay Allah, hindi na mauulit. I will never, never, never again papayag ako na mag-ipon ng armas.”

Samantala, puspusan pa rin ang operasyon ng tropa ng gobyerno sa pagtugis sa nasa 20-30 terorista sa Marawi, kabilang ang anim hanggang walong dayuhan, ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Major Gen. Restituto Padilla Jr.

Kabilang sa mga tinutugis na dayuhang terorista si Dr. Mahmud Ahmad, ang Malaysian na hinihinalang financier ng krisis sa Marawi, ayon kay Padilla.

TULOY ANG PAGTUGIS

“As we speak, our troops have remained in the battle area continuing to pursue the armed elements and seeking to rescue the remaining hostages,” sinabi ni Padilla sa news conference sa Malacañang kahapon.

“With terrorist leaders gone, we call on all fighters to cease further resistance and violence and return to the road of peace,” apela naman ni Presidential Spokesman Ernesto Abella sa kaparehong press briefing.

Nagpaabot naman ng pagbati ang gobyerno ng Amerika, sa pamamagitan ni United States Embassy Spokesperson Molly Koscina, sa AFP sa pagkakapaslang kina Hapilon at Maute.

Tiniyak din ni Koscina ang patuloy na suporta at pakikipagtulungan ng Amerika sa Pilipinas laban sa terorismo.

Magugunitang katuwang ng AFP ang US Special Forces sa Marawi siege sa pagkakaloob ng ayudang teknikal at enemy surveillance sa tropa ng pamahalaan.

AYUDA NG CHINA

Kasabay nito, kinumpirma kahapon ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na naipadala na ng China sa Pilipinas—at dumating na kahapon sa Iligan City—ang 47 set ng heavy equipment para sa agarang rehabilitasyon ng Marawi.

“Through China’s Emergency Humanitarian Assistance Program, we expect seven more equipment to arrive,” sabi ni Villar.