Ni: Erwin Beleo
BAUANG, La Union – Patay ang 54-anyos na babaeng administrator officer sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na nakabase sa San Fernando City, makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa hindi pa tukoy na dahilan sa Barangay Paringao sa Bauanga, La Union, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni Chief Insp. Silverio Ordinado, Jr., information officer ng La Union Police Provincial Office, ang pinaslang na si Mila R. San Juan, 54, residente sa lugar.
Isinugod si San Juan sa Ilocos Training Regional Medical Center, pero dead on arrival siya dahil sa maraming tama ng bala na natamo ng kanyang katawan.
Batay sa salaysay ng ilang residente, nakatayo umano si San Juan sa gilid ng national highway nang pagbabarilin siya ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo, bago agarang tumakas.
Ayon kay Chief Insp. Joel Lagto, hepe ng Bauang Police, may posibleng lead na sila sa kaso upang tugisin ang mga suspek, subalit tumanggi siyang isapubliko ito sa ngayon.