Ni: Fer Taboy at Nonoy Lacson
Inihayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na isang lalaki ang nasawi at apat na iba pa ang nasugatan nang manalasa ang storm surge sa Zamboanga City.
Batay sa ulat ng tinanggap ng NDRRMC mula sa Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office (ZCDRRMO), may kabuuang 1,302 pamilya o 2,498 indibiduwal ang naapektuhan at nananatili ngayon sa mga evacuation center.
Kinilala ni ZCDRRMO Chief Dr. Elmier Apolinario ang nasawi na si Sonny Tadjari-Panglima, na hindi nagawang makalabas sa kanyang bahay nang mangyari ang storm surge sa Barangay Labuan, Zamboanga City, nitong Linggo ng umaga.
Ayon sa ulat, ang Bgy. Labuan sa kanlurang baybayin, at ang Bgy. Vitali sa silangan ng siyudad ang pinakamatinding sinalanta ng baha at malakas na hampas ng dambuhalang alon.
Sinalanta rin ng storm surge ang mga barangay ng Ayala, Limpapa, Patalon, Maasin, at Sinunoc.
Iniulat naman ni Philippine Red Cross governor at Zamboanga City 1st District Rep. Celso Lobregat na 62 bahay at maraming bangka ang nawasak, habang nasira naman ang riprap ang ilang bahagi ng Patalon Bridge.
Patuloy na nagsasagawa ng assessment ang City Social Welfare and Development Office sa pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.