Ni: Ric Valmonte

SA report ng Senate Blue Ribbon Committee, kinastigo ni Chairman Sen. Richard Gordon si Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre dahil animo’y minaliit niya ang P6.4-billion shabu shipment mula sa China na nakalusot sa Bureau of Customs (BoC). Dapat, aniya, may higit pa siyang ginawa para makatulong sana sa paglutas ng problema sa ilegal na droga. Ang impresyon na ibinigay niya sa komite, base sa report, ay hindi niya gaanong pinansin ang kaso at ipinaubaya na lang ito sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Sa hearing ng komite noong Setyembre 19, sa kanyang testimonya, para umanong higit siyang abala sa ibang bagay at hindi gaanong mahalaga sa kanya ang naganap sa BoC upang aksiyunan agad.

May nagsabing hindi naman “comite de abswelto” ang Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Gordon na ipinaratang ni Sen. Antonio Trillanes. Inirekomenda kasi ng komite na sampahan ng kaso ang nagbitiw na BoC Commissioner na si Nicanor Faeldon at mga kapwa niya opisyal kaugnay ng illegal shipment ng shabu. Ipinahahabla rin nito sina licensed customs broker Teejay Marcellana at “cosignee for hire” Eirene Mae Tatad sa pag-aangkat ng ilegal na droga at paglabag ng Customs Modernization Tariff Act. Apat na kaso naman ang ipinasasampa laban kay fixer Mark Ruben Taguba. Siya umano ang nagpabilis sa paglusot ng shabu sa BoC. Dapat siyang managot sa paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002, RA 10683, sa pag-angkat ng droga; Art. 212 ng Revised Penal Code, sa pagsuhol ng mga public officials; at Presidential Decree No. 1829, sa paghadlang sa pag-aresto sa mga nagkasala.

Ang problema sa imbestigasyong ng komite ni Sen. Gordon ay masyado itong limitado. Umabot lamang ito sa level ni Faeldon. Ganito rin natapos ang naunang imbestigasyon ng House Committee on Illegal Drugs. Kaya, ayon kay Sen. Trillanes, mahina ang committee report ng Senate Blue Ribbon Committee. Hindi niya raw lalagdaan bagkus kokontrahin pa niya ito sa plenaryo kapag inisponsor na ito ni Gordon. Hindi raw kasi isinama si Davao Vice-Mayor Paolo Duterte at ang kanyang bayaw na si Atty. Mars Carpio sa mga inerekomendang sampahan ng kaso kaugnay ng shabu shipment.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Maliwanag na ito ay cover-up,” wika ng Senador, “sa ikalulugod ng kanyang political master.” Ang pinagsusupetsahang nagtutulak at gumagamit ng droga, aniya, ay basta na lang bumubalagta sa kalye, pero iyong mga taong nasa likod ng smuggling ng droga ay inererekomenda lang na isailalim sa lifestyle check.

Kaya, hindi mo rin naman masisisi si DoJ Sec. Aguirre kung bakit naging malamig siya sa isyung ito. Ikinagalit kaya talaga ni Sen. Gordon o naggagalit-galitan lamang siya sa sinabi niyang minaliit lang ni Sec. Aguirre ang bulto ng ilegal na droga na nakalusot sa BoC? Eh, kay Sen. Trillanes, iisa lang ang kanilang “political master”.