Ni: Hannah L. Torregoza at Jeffrey G. Damicog

Mariing inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang total overhaul sa Bureau of Customs (BOC) kasunod ng pagpasok ng P6.4-bilyon shabu shipment mula China noong Mayo.

Sa draft committee report, inirerekomenda rin Senador Richard Gordon na pag-aralan ang pagsasagawa ng pre-shipment inspection mula sa point of origin upang maayos na masubaybayan ang pagpasok ng mga kalakal sa mga daungan ng bansa.

“It is strongly recommended and urged in the strongest terms that the BOC be totally overhauled,” ani Gordon sa executive summary ng draft committee report na inilabas nitong Martes ng gabi.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Inirekomenda rin ng committee report ang mga pagbabago sa Administrative Order No. 243-A, Series of 2009, upang lahat ng imported goods ay isailalim sa mandatory pre-shipment inspection at pag-eestablisa ng Customs and Tax Academy “to train professional Customs personnel into a culture of integrity, honesty and purpose, in order to have continuity.“

KASO SA ‘TARA’

Inirekomenda rin sa draft report ang paghahain ng kasong kriminal sa lahat ng opisyal ng BOC sa Command Center na malinaw na sangkot sa “tara system.”

“The ‘tara’ system, as discovered by this Committee, must be utterly dismantled and never allowed to come into existence again,” saad sa ulat.

Magiging opisyal ang Senate committee report kapag ito ay inaprubahan ng mga senador.

Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na hindi pa siya lumalagda sa dokumento. “I expressed my serious reservations on the findings contained in the committee report being routed, particularly in the matter of Faeldon, Estrella and Pinawin.

Chairman Gordon said he will make an addendum once he receives my comments,” aniya.

Ang tinutukoy ni Lacson ay sina dating BOC commissioner Nicanor Faeldon, at Customs Intelligence and Investigation (CIIS) intelligence officers Niel Anthony Estrella, at Joel Pinawin.

Nakasaad sa draft na napatunayan na si Faeldon ay nagkasala ng misfeasance, at nonfeasance; sina Estrella at Pinawin ng malfeasance, misfeasance, at nonfeasance sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.

LOOKOUT BULLETIN

Tiniyak naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na maglalabas siya ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa mga dating opisyal ng Customs na nagbantang magtatago kapag kinasuhan sila kaugnay sa P6.4B illegal drugs shipment.

Pansamantala, sinabi ni Aguirre na hahayaan niya ang panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) na tapusin muna ang pagsasagawa ng preliminary investigation (PI) kaugnay sa kaso. “Since the preliminary investigation is already ongoing, we will issue the LBO if the cases would be filed in court,” ani Aguirre.