Nina BELLA GAMOTEA at JEFFREY G. DAMICOG

Dumating na kahapon sa bansa si Ralph Trangia, isa sa mga suspek sa pagpatay sa hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III, at ang kanyang ina na si Rosemarie Trangia.

Pagsapit ng 11:41 ng umaga, lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Eva Air flight BR 271, mula sa Taipei, na sinakyan ng mag-inang Trangia.

Kabilang ang mag-ina sa 18 indibiduwal na kinasuhan ng Manila Police District (MPD) sa Department of Justice (DoJ) kaugnay ng pagkamatay ni Castillo na iniulat na dumalo sa “welcoming rites” ng Aegis Juris fraternity ng UST Faculty of Civil Law nitong Setyembre 16.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Nabatid na hindi inaresto ang mag-inang Trangia dahil walang warrant of arrest laban sa kanila kaya kinausap at inimbitahan lamang sila para sa ilang katanungan.

INALOK MAGING STATE WITNESS

Inalok ni DoJ Secretary Vitaliano Aguirre II si Trangia na magsilbing state witness sa pagpatay kay Castillo.

“I encourage Mr. Trangia and his family to fully cooperate, to tell the truth and, as a future lawyer, to work for justice,” pakiusap ni Aguirre.

Bukod dito, muling sinabi ni Aguirre na, “the DOJ’s invitation to anyone who knows anything about what happened to Mr. Atio Castillo to come forward and to tell the truth.”

“Those who do will find the truth liberating, you cannot live in lies and untruth forever. We are waiting for you,” ayon sa DoJ chief.