Ni LITO MAÑAGO
PAGKATAPOS umapir sa nagtapos nang seryeng I Heart Davao with Carla Abellana at Tom Rodriguez, pahinga lang daw muna sandali sa paggawa ng teleserye si Benjamin Alves.
Bukod sa wala pang bagong offer na bagong project ang GMA Network, tinatapos din ng aktor ang horror movie na Spirit of the Glass 2, The Haunted with Cristine Reyes, Maxine Medina, Daniel Matsunaga, Dominic Roque, Aaron Villena, Ashley Ortega at Enrico Cuenca under OctoArts Films, mula sa direksyon ni Joey Reyes at nakatakda na itong ipalabas sa November 1.
“Magka-partner kami ni Maxine (Medina, former Miss Universe-Philippines) dito. Kami ‘yung nagbukas o naglaro ng spirit of the glass. So ‘yun, sa buong movie, may kani-kanya kaming experience sa mga nagmumulto,” kuwento ng aktor sa set ng All-Star Videoke, hosted by Solenn Heussaff at Betong Sumaya.
Kuwento pa ni Ben, “Continuation po talaga ito from the first one, bale sequel ito to the first one.”
Bahagi rin ng Spirit of the Glass 2 ang kapwa Kapuso niyang Janine Gutierrez. Ano naman ‘yung role ni Janine sa sequel?
“Malaking bagay siya at makikita ito sa movie. I don’t want to divulge much basta she’s a big part of it,” lahad ng Kapuso hunk.
Namumukadkad at going strong ang relasyon ni Benjamin sa kanyang girlfriend na si Julie Ann San Jose.
“Ang mahalaga, happy po kami,” maikling tugon nito sa tanong ng mausisang press.
Inamin ni Benjamin that he had his share of bashing nu’ng time na umamin na sila ng kanilang relasyon ng Asia’s Sweetheart. Paano niya ba ito hinadle?
“I made it a point na hindi ako papatol sa ganu’n po,” katuwiran ng binata. “The bashing kasi started when me and Julie came out in public. In the beginning, sabi ko, they have to let you know where they stand, eh. Na hindi basta-basta ginaganu’n na lang si Julie or us, but then after that intial one, wala namang point. For one, paulit-ulit lang naman ‘yung sinasabi and it doesn’t concern us anymore. Kahit sinong mahal mo sa buhay, hindi mo hahayaang mabastos.
“You need not react but certainly you don’t need to read it. Ignore na lang po by blocking.”
Stress-reliever ang pagiging player ni Benjamin sa musical game show na All-Star Videoke. How was the game?
“Mabilis! Ha-ha-ha! Kiss of death pala ‘yung ibinigay sa akin ni Miss Wilma (Doesnt). Sabi niya kasi, hahalikan daw niya ‘yung mahuhulog. Biniro ko, sabi ko, ayaw kong magpahalik saiyo. Sa simula pa lang, alam ko na kasi I’m really bad in lyrics. But it was fun,” kuwento ng aktor.
Ang All-Star Videoke ay regular na napapanood sa Sunday Grande ng GMA at mula ito sa direksiyon ng kaibigan naming si Direk Louie Ignacio.