Ni Ernest Hernandez

WALA sa championship series si Roger Pogoy, ngunit nananatili ang bentahe ng Talk ‘N Text promising star sa labanan para sa 2017 PBA Rookie of the Year award.

Tangan niya ang bentahe laban sa karibal na sina Matthew Wright (Phoenix Fuel Masters) at Jio Jalalon (Star Hotshots).

“Nandun din naman si Jio at Matthew Wright. Si Lord na lang bahala. Tignan na lang natin kung kanino,” mapagpakumbaba na pahayag ni Pogoy.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Hindi man aminin, nangingibabaw ang kanyang statistics, tampok ang dalawang semi-finals stint ng TNt at championship appearance ngayong season. Nagsilbi rin siya sa bayan, bilang bahagi ng Gilas Pilipinas na sumabak sa international tournament.

“Sobrang thankful ko sa naipakita ko this season. Hindi ko talaga ine-expect na ganito kaganda tsaka ganito kalaki yung playing time na makukuha ko,” sambit ni Pogoy.

Kahit muling nabigo sa inaasam na titulo, positibo ang pananaw ng dating Far Eastern University stalwart sa kanyang career sa premyadong pro league sa Asya.

“Sobrang saya ko kasi sa rookie year ko, naka-finals ako at dalawang semis. Parang achievement na yun sa kin. Yung championship darating na lang yun. Si Lord na lang bahala kung kailan,” aniya.

Hindi maikakaila na binabantayan ng karibal na koponan ang galaw ni Pogoy at sa mga susunod na season mas magiging ‘deadly’ ang Katropa shooting guard kung mas magpupursige siyang itaas ang level ng kanyang competitiveness.

“Marami pa ako i-improve sa laro ko kasi yun nga, nababasa na nila laro ko. Kasi pag libre sa labas… tira, rebound… basta sinasabihan na ako ng coaching staff ko na dagdagan ang mga moves ko para mas mahirap ako bantayan sa susunod,” pahayag ni Pogoy.

Nakatakdang ipahayag ang Rookie of the Year winner sa Game 4 ng Governor’s Cup Finals sa pagitan ng Ginebra Kings at Meralco Bolts.