AABOT sa 60,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) mula sa Central Luzon at National Capital Region ang itatalaga upang magbigay ng seguridad sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders Summit sa Oktubre 23-24 sa Clark, Pampanga, at sa Metro Manila.
Wala nang dalawang linggo ang hihintayin bago ang nasabing petsa—dalawang linggo ng paghahanda ng puwersa ng pulisya para sa mga pulong at sa pagbibiyahe ng 10 pinuno ng ASEAN sa pagitan ng Clark at Maynila sa Northern Luzon Expressway sa Caloocan City, Maynila, at Pasay City. Sa 60,000 pulis, 5,000 ang magbabantay sa seguridad sa mga pulong ng ASEAN sa Clark; habang ang malaking bahagi ng puwersa — nasa 55,000 pulis—ay ipakakalat naman sa Metro Manila.
Bawat biyahe ng convoy ng mga sasakyan ay magiging malakihang operasyon. Matagal na nating pinoproblema ang dambuhalang suliranin natin sa trapiko sa Metro Manila sa mga karaniwang araw. At sa pagdalo ng mga pinuno ng 10 bansang ASEAN sa mga pulong sa Clark at sa Pasay City, ang bawat biyahe ng mga ito ay mangangailangan ng malakihang operasyon sa trapiko at seguridad.
At ito pa lamang ang simula. Ang sampung pinuno ng ASEAN mula sa Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand, at Vietnam ay sasamahan sa Nobyembre 13-14 ng mga pinuno ng walong iba pang bansa para sa ASEAN Summit and Related Meetings. Ito ay ang mga pinuno ng Australia, China, India, Japan, New Zealand, Russia, South Korea, at Amerika.
Kinumpirma na ni US President Donald Trump ang pagdalo niya sa pulong. Ito ang magiging kauna-unahang pagbisita ni Trump sa bahaging ito ng mundo simula nang mahalal siya sa pagkapangulo noong nakaraang taon. Nataon ito sa panahong sangkot ang Amerika sa mapanganib na pakikipagpalitan ng banta ng malawakang pangwawasak ng nukleyar na armas sa North Korea. At mahalaga rin na makatulong ito upang mapagtibay ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika sa harap na rin ng palitan ng hindi magagandang salita ng ilang opisyal ng dalawang bansa.
Lubhang mahalaga ang mga pulong na ito sa pandaigdigang ugnayan at mismong pakikipag-ugnayan ng Pilipinas. Higit pa sa problema sa trapiko, ang bawat biyahe at pulong ng mga pinunong ito ay magiging pangunahing usaping pangseguridad para sa puwersa ng ating pulisya.
Tiwala tayong buong giting na maisasakatuparan ng PNP, na sa nakalipas na mga buwan ay napagitna sa kontrobersiya ng mga patayan kaugnay ng drug war, ang hinihingi ng dambuhalang responsibilidad na ito.