TINANGHAL si Kylen Joy Mordido bilang unang babae na nagwagi ng overall crown sa 25th Shell National Youth Active Chess Championship grand finals nitong Linggo sa MOA Music Hall sa Pasay City.
Nakamit ng pambato ng Dasmarinas National High School ang kampeonato sa juniors division tangan ang walong puntos para gapiin sina Stephen Rome Pangilinan at Julius Gonzales ng may 1.5 puntos na bentahe.
Nakabuntot sa kanila sina Carl Ancheta at Francois Magpily na kapawa tumapos na may limang puntos sa 9-round Swiss system tournament sa pagtataguyod ng Pilipinas Shell.
Napalinysa si Mordido, top female player sa Batangas leg ng regional eliminations, kina kiddies overall champion David Rey Ancheta at Far Eastern U’s Jeth Romy Morado, kampeon sa seniors division ng dalawang araw na torneo.
Nasustinahan naman ni Ancheta, mainstay sa Corpus Christi School, ang matikas na kampanya mula sa Cagayan de Oro elims, matapos walisin ang huling dalawang laro para makopo ang 7-12 category tangan ang walong puntos laban sa mga karibal na sina Mark Jay Bacojo at Michael Concio Jr.
Nailista naman ni Morado, runner-up sa NCR, ang titulo sa premier class sa kabila nang isang puntos na nagawa sa huling dalawang laban kontra kina Jethro Esplanada at Ali Ahmad Azote.
Tinanggap nina Mordido, Ancheta at Morado ang tropeo at cash prizes mula kina Pilipinas Shell Social Performance and Social Investment manager Sankie Simbulan at GM Joey Antonio.