BINAWASAN ang joint military exercises ng Pilipinas sa Amerika noong nakaraang taon kasunod ng apela ni Pangulong Duterte para sa mas nakapagsasariling polisiyang panlabas para sa ating bansa. Sinabi ng Pangulo na paiigtingin ng Pilipinas ang ugnayan nito sa China at Russia, ang dalawang bansa na matagal nang itinuturing na karibal ng Kanluran, na pinangungunahan ng Amerika, sa mga pandaigdigang usapin.
Walang dudang naging malapit ang ugnayan natin sa China sa unang taon ng administrasyong Duterte. Bagamat parehong naninindigan ang dalawang bansa sa kani-kanilang — minsan ay magkataliwas — pag-angkin sa ilang bahagi ng South China Sea, nagtagumpay tayong magkaroon ng kasunduan na nagbigay-daan upang patuloy na makapalaot ang ating mga mangingisda sa mga nakaugalian na nilang pangisdaan. Bumuo ng kasunduan ang China at ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa Code of Conduct sa South China Sea sa kondisyong wala nang magiging hakbangin sa pag-aangkin ng maliliit na isla at iba pang yamang dagat sa karagatan.
Naging masigla ang ugnayan ng ating mga bansa. Nitong Huwebes lamang, tinanggap nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Eduardo Ano mula kay Chinese Ambassador Zhao Jinhua ang ikalawang batch ng mga assault rifle na donasyon ng gobyerno ng China.
Kasabay nito, iniulat ni General Ano ang tungkol sa kanyang pagbisita kamakailan sa Hawaii kung saan nagharap sila ni Admiral Harry Harris, hepe ng US Pacific Command, at nagkasundo sila na magsasagawa ng mas maigting na joint military exercises ang Pilipinas at Amerika sa 2018, matapos nilang bawasan ito noong nakaraang taon. Sinabi ng heneral sa press conference na nais ni Pangulong Duterte ang mas maraming pagsasanay kasama ang Amerika, na itinuturing pa rin ng Presidente bilang pangunahing kaalyado ng Pilipinas.
Nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi noong Mayo, kaagad na sumaklolo ang Amerika sa kabila ng nagkapalitan ng hindi magagandang pahayag sina Pangulong Duterte at noon ay US President Barack Obama kaugnay ng kampanya ng Pilipinas kontra droga. Nagkaloob ang US Special Forces ng suportang teknikal at intelligence na naging kapaki-pakinabang sa paggapi sa mga teroristang Maute na naiimpluwensiyahan ng Islamic State.
Nariyan pa rin ang pagsisikap natin para sa higit na nakapagsasariling polisiyang panlabas. Sa bago at mas mabuti nating ugnayan ngayon sa China, at sa pagtatangka nating maging malapit sa Russia, at sa panibagong kabanata ng makasaysayan nating ugnayan sa Amerika, hangad nating magkaroon ang Pilipinas ng mahalagang papel sa bahaging ito ng mundo, na kasalukuyang nasasadlak sa napakarami at patuloy na nagsusulputang problema.