Ni: Ric Valmonte

PINARATANGAN ng administrasyon sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio Morales na kabilang sa mga oposisyon na nagplano na patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagpahayag ng pagdududa, ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang Pangulo kina Sereno at Morales matapos nitong hamunin ang dalawa na sabay-sabay silang magbitiw. Naniniwala, aniya, ang Pangulo na nagpapagamit sina Sereno at Morales sa ilang political forces upang siraan siya at ang kanyang administrasyon upang magalit ang publiko at patalsikin siya sa puwesto. Karapatan ng Pangulo na sila ay pagbitiwin sa kanilang puwesto, sabi ni Abella.

Ngayon lang naman nagbibintang ang Pangulo na may gustong magpatalsik sa kanya. Hindi kaya nararamdaman niya na mabuway na ang kanyang kalagayan? Kasi, nang mag-umpisa siyang manungkulan ay napakatapang niya. Alam niya na suportado siya ng lahat ng sektor ng lipunan. Binuksan niya ang Malacañang sa lahat ng gustong magprotesta.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Nakihalubilo siya sa mga nagtipun-tipon sa harap ng Palasyo na may ipinaabot na hinaing sa kanya. Pinapasok at kinausap pa nga niya ang mga ito. Sinuportahan siya ng nakararami sa inilunsad niyang kampanya laban sa kriminalidad at ilegal na droga. Nagtiwala ang sambayanan sa Pangulo na sa pag-arangkada ng kanyang war on drugs, magiging mapayapa ang pamayanan at ligtas sila sa panganib. At ito ang unang naikintal sa kanilang isipan.

Ang problema, nang lumaon ay naging ligtas nga sila sa mga naglipanang lango sa droga, hindi naman sila ligtas sa mga taong dapat mangalaga sa kanilang kaligtasan. Sa iisang katwiran na nanlaban habang sila ay sinisita o hinuhuli ng mga pulis, maraming napatay. Ang iba ay sa loob pa mismo ng kanilang tahanan ibinulagta. Sa magkasunod na survey ng Social Weather Stations (SWS) ay hindi na maganda ang impresyon ng taumbayan sa war on drugs ng Pangulo. Ang unang survey ay nagpakita na ang nakararami sa mamamayang Pilipino ay hindi naniniwala sa katwiran ng mga pulis na ang kanilang mga napatay ay nanlaban. Lumabas naman sa huling survey na ang nakararami ay naniniwala na mga mahirap lang ang napapatay.

Walang nagde-destabilize sa administrasyong Duterte. Ang nangyari ay humina na ang kanyang pundasyon sa taumbayan. Unang-una, walang pamahalaang mapapamahal sa taumbayan kung ang kanyang pamamaraan sa paglutas sa problema ay pumatay.

Ikalawa, ang mga biktima ay mga dukha. Ang nagbigay ng puwersa sa kilusang ginanap ng mamamayan noong Setyembre 21 ay mga magsasaka, manggagawa, mga maralitang tagalungsod at kanayunan na sa grupong ito nagbuhat ang libu-libong napatay na sa kampanya ng Pangulo laban sa droga.

Ikatlo, ang kredibilidad at sinseridad ng Pangulo sa pagpapairal ng war on drugs ay nabahiran na ng pagdududa. Bultu-bultong ilegal na droga ang pumapasok sa pantalan at paliparan sa kabila ng katotohanan na napakarami nang napatay dahil dito, ngunit walang iniulat na napanagot sa mga nagpasok ng mga ito.

Ikaapat, tumindi ang kahirapan dahil nagtaasan na ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Sa paghina ni Pangulong Digong, lumalakas ang kilusan ng mamamayan para ipamukha sa kanya ang kanyang kahinaan na itaguyod pa ang kanilang kapakanan.