Ni: Ric Valmonte

NAGBANTA si Pangulong Duterte na lilikha ng komisyon na mag-iimbestiga sa umano ay anomalya sa Office of the Ombudsman. Bunsod ito ng imbestigasyong isinasagawa ng Ombudsman laban sa kanya at sa kanyang pamilya batay sa reklamong isinampa ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Trillanes, ang Pangulo at ang kanyang pamilya ay may malaking salapi sa iba’t ibang bank accounts.

“Ipinakikita ng mga bank records,” sabi ng Ombudsman, “na ang daloy ng mga kuwarta sa bank accounts ng pamilya Duterte sa mga nakaraang panahon ay nagkakahalaga ng bilyung-bilyong piso.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“Hindi bale na imbestigahan ako,” sabi naman ng Pangulo, “dahil nasa gobyerno kami.” Pero, aniya, ang Ombudsman ay tadtad ng corruption. Kaya, kapag hindi raw nilinis nito ang sarili, magkakagulo sila dahil gagawa raw siya ng komisyon na mag-iimbestiga rito. Wala raw kasing mag-iimbestiga sa ginagawa nitong panlilinlang.

“Kaduda-duda ang constitutionality ng nais mangyari ng Pangulo,” wika ng Integrated Bar of the Philippines (IBP), na pangunahing samahan ng mga abogado sa bansa. Ang paglikha, aniya, ng komisyon, kahit ng ehekutibo o lehislatura, ay lalabag sa ginagarantiyahang kalayaan na kailangan ng Ombudsman sa pagganap sa tungkulin.

Bilang malayang ahensiya, kailangang ito ay libre sa anumang political pressure lalo na kung ito ay manggagaling sa pinakamataas na political office ng bansa. Hindi raw katanggap-tanggap na ang Pangulo ang siyang babatikos sa ahensiyang nilikha ng Saligang Batas. Hindi dapat na maging balat-sibuyas ito gayong inookupahan niya ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Eh, ang public office, anito, ay public trust.

Hindi lang paggawa ng komisyon ang binabalak ng Pangulo. Hinihimok pa niya ang lahat ng umano ay nagbayad sa Ombudsman para ma-dismiss ang kanilang kaso na lumabas at magreklamo. Ngayon na raw ang panahon para sila ay makaganti at ipinangako niya na iipitin niya ang mga dapat na managot na Ombudsman officials. Ipaaaresto raw niya ang mga ito na ayaw sumipot sa gagawing imbestigasyon ng itatatag niyang komisyon.

Kung ano ang galit ng Pangulo sa Commission on Human Rights (CHR), higit na galit ito sa Ombudsman. Ang naging problema lang naman ng CHR sa Pangulo ay iyong pinaalalahanan siya na sundin ang batas sa pagpapatupad niya ng war on drugs. Igalang ang karapatang pantao ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, at ang karapatan ng mga ito sa due process.

Mabigat ang problema ng... Ombudsman sa Pangulo. Iniimbestigahan ang tagong yaman nito na, ayon sa mga dokumentong nasa pag-iingat nito, ay umabot na sa bilyong piso.

Personal na sa kanya ang isyu, hindi gaya ng war on drugs na polisiya niya ang pinupulaan. Napakalaki ng epekto ng kasong iniimbestigahan ng Ombudsman sa kredibilidad at sinseridad ng Pangulo sa kanyang pagpapatakbo sa gobyerno lalo na’t marami na ang napapatay sa hangarin niyang magapi ang droga at kriminalidad.

Ang lalong masama sa gagawin niyang komisyon ay ginagamit niya ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng taumbayan para sa kanyang pansariling interes.