Matagumpay ang mas pinaigting na operasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa New People’s Army (NPA) sa pagpapasuko sa 52 miyembro nito sa buong buwan ng Setyembre.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Marine Colonel Edgard A. Arevalo, ang pagdami ng sumusukong miyembro ng NPA nitong nakaraang buwan ay resulta ng pinatindi, walang katapusang combined intelligence, combat, at civil military operations.
“It is also a product of the active cooperation of our stakeholders, particularly of the support given by the communities and local government units within our areas of operation,” pahayag ni Arevalo.
Nitong Setyembre 27, pitong rebelde ang boluntaryong sumuko sa Joint Task Force ZamPeLan sa Zamboanga Sibugay.
Ipinaubaya ang mga miyembro ng NPA sa tropa ng 102nd Brigade sa Barangay Sanito, Ipil, Zamboanga Sibugay. Isinuko ng mga rebelde ang dalawang AK47 rifles at isang .45 caliber Remington.
Samantala, siyam na iba pa ang sumuko sa Sultan Kudarat nitong Setyembre 23. Kusa nilang isinuko ang kanilang sarili sa tropa ng 33rd Infantry Battalion na nasa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Harold Cabunoc. Bitbit nila ang anim na improvised explosive devices (IEDs).
Umaasa ang AFP na marami pang NPA na susuko sa mga susunod na buwan.
Aniya, nag-aalok ang gobyerno ng financial at livelihood assistance sa mga dating rebelde, sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP).
Sa kasalukuyan, aabot na sa 566 na rebelde ang na-neutralize ng AFP simula nang itigil ang usapang pangkapayapaan noong Pebrero 4, 2017. Sa nasabing bilang, 378 ang kusang sumuko sa military units o sa local government units sa Northeastern Mindanao. - Francis T. Wakefield