Ni: Fer Taboy
Sinunog ng hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang 11 heavy equipment na ginagamit sa pagsasaayos ng paliparan sa Daraga, Albay, at sinabayan ito ng pagsalakay na nauwi sa engkuwentro, iniulat kahapon.
Batay sa report ng Daraga Municipal Police, nagsagawa ng malawakang pagsalakay ang mga rebelde sa Bicol International Airport sa Daraga.
Sinabi ni Chief Insp. Arthur Gomez, information officer ng Albay Police Provincial Office, na pinaputukan ng mga rebelde ang mga miyembro ng 2nd Maneuver Platoon ng Albay Public Safety Company (APSC) sa Barangay Bascaran sa Daraga.
Napaulat na layunin ng pagsalakay ng NPA na lituhin ang mga pulis upang hindi rumesponde sa panununog nila sa airport facility sa Bgy. Alobo sa Daraga.
Tumagal ng kalahating oras ang bakbakan hanggang nakarinig ang mga pulis ng malakas na pagsabog sa construction site sa airport, na may apat na kilometro ang layo sa Bgy. Bascaran kung saan sumiklab ang engkuwentro.
Nadatnan ng mga pulis ang mga tupok na heavy equipment na pag-aari ng EM Cuerpo Builders Inc., kabilang ang limang malalaking truck, mini dump truck, double cab, grader, mixer, crane, at owner-type jeep.
Samantala, kinumpirma kahapon ni 2nd Lt. Honeylee Joy S. Maunahan, acting Civil Military Operation (CMO) officer ng 66th Infantry Battallion ng Philippine Army, na nakubkob ng militar ang nasa isang ektaryang kampo ng NPA sa Sitio Side 4 sa Bgy. Mangayon, Compostela sa Compostela Valley.
Ito, ayon kay Maunahan, ay kasunod ng engkuwentro ng Army sa nasa 50 armadong rebelde nitong Huwebes ng umaga.
Nasamsam sa kampo ang isang M16A1 rifle, dalawang improvised explosive device (IED), sari-saring personal na gamit, pagkain, at iba pang war, ayon kay Maunahan.