SA batang edad na 11, naimarka sa libro ng motorcycle circuit ang pangalan ni Jacq Buncio nang tanghaling pinakabata at unang babae na nagwagi ng overall championship sa Pirrelli Lightweight Category may isang taon na ang nakalilipas.
Sa isa pang pagkakataon, naghihintay ang kasaysayan sa tinaguriang “Lady Jacq”.
Sasabak si Buncio – muli laban sa mas matatandang karibal – sa Heavyweight B Category ng 2017 Pirelli Philippine Superbike Championships sa Linggo sa Clark International Speedway.
Katulad nang namayapang kapatid na si superbikes great Maico Buncio, napatanyag ang nakababatang Buncio sa sports na dominante ng kalalakihan. Nangunguna siya sa Heavyweight B category (199 puntos), sa kabila nang mas mababang gamit na 600cc Yamaha R-6 bike.
Tangan ng kanyang mga karibal – mas beterano at pawang kalalakihan – ang 1000cc-and-above displacement machines.
Ang gamit na 600cc bike ang nagbigay sa pambato ng Mandaluyong at UST Angelicum College student sa ikalawang puwesto sa 5th leg ng 2017 Pirrelli Superbikes nitong Setyembre 4 sa Batangas Racing Circuit.
Nakihamok si Buncio sa naturang karera, ngunit mas nanaig ang mas malalaking motorbikes ng mga karibal.
Sa kabila ng pagiging dehado, tumapos si Buncio sa ikalawang puwesto, sapat para bansagan siyang “The Fastest Lady on Two Wheels.”
Sa Linggo, tatangkain niyang mangibabaw gamit ang motor na kinondisyon ng YRS Motorcycle Modification Inc., na pagmamay-ari ng kanyang ama na si Yoyong Buncio.
“We are making sure Jacq is armed with a capable racing machine on Sunday,” pahayag ng matandang Buncio. “Her bike may be smaller, but it’s her big fighting heart that will carry her through.”
Itinataguyod din ang kampo ni Buncio ng Total Oil Philippines, Hi-Perf at Kojie San Philippines, gayundin ang Amaron Batteries, SSS Chain, Motoworld, Empire Boxing, Hollow Rock at Monster Energy Drink.