Ni: Bert de Guzman
SA wakas, kumurap o nag-blink din ang Malacañang na pinamumunuan ng machong Pangulo hinggil sa mga isyu na ipinaghihiyawan ng libu-libong anti-Duterte protesters, kabilang ang mga millennial (kabataan), school administrators at guro/propesor, mga artista/entertainer, oposisyonista at CPP-NPA-NDF, kaugnay ng paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ni ex-Pres. Ferdinand Marcos noong Setyembre 21, 1972.
Ang pagkurap (blink) ng Palasyo sa tabi ng Ilog-Pasig ay tungkol sa mga usapin ng maramihang pagpatay ng mga pulis sa drug pusher at user dahil NANLABAN daw ang mga ito, martial law sa buong Mindanao, pagtatangkang baguhin ang kasaysayan at i-rehabilitate ang imahe ng yumaong diktador Marcos, at ang umano’y umuusbong na tendensiya ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na maging isa ring diktador. Mahigpit itong pinabulaanan ng Malacañang.
Sa pagkurap, ganito ang pahayag ni Presidential spokesman Ernesto Abella: “The president is the leader of all Filipinos. We have always kept the door open for constructive dialogue with the strategic sectors of society, including those who do not share the stance of the administration on certain issues.” Totoo naman ito. Ilang beses na bang nagpakumbaba ang Pangulo sa kabalbalan ng New People’s Army (NPA) na habang may usapan ay nang-aambush, sumasalakay at nanununog ng heavy equipment?
Kahit papaano, alam ni Pres. Rody na ang martial law-circa ‘72 ay ideneklara ng kanyang idolo bunsod umano ng mga banta ng kilusang komunista noon na pinamumunuan ni Joma Sison, notoryus na pagpapahirap, summary executions, enforced disappearances (pagkawala ng mga kabataan at katandaan) at warrantless arrests laban sa mga kritiko ng FM regime.
Wasak na wasak ang siyudad ng Marawi matapos ang walang lubay na pambobomba ng mga eroplano ng Philippine Air Force (PAF) sa pinagkukutaan ng mga kasapi ng teroristang Maute Group-Abu Sayyaf Group. Dahil dito, nadadamay din ang mga gusali, bahay at paaralan ng mga Maranao.
Ang kinang, ganda at karisma ng Marawi City na itinuturing na simbolo ng Islamic City sa Mindanao, ay mistula ngayong ginahasang dalaga, warak na warak, butas-butas na mga gusali, paaralan, bahay at paralisadong negosyo at ekonomiya. Sa isang mapagmasid, ang Marawi City ngayon ay maitutulad sa mga lungsod sa Irag gaya ng Mosul, Raffa at iba pa na halos durog na durog matapos bombahin ng mga Amerikano at Ruso. Kailangan daw ang P50 bilyon upang muling maibangon ang lungsod, at ito’y ipinangako ni PDU30.
Alam ba ninyong nakatisod ng ginto ang House of Representatives o Kamara para ipambayad sa libreng edukasyon ng mga mag-aaral sa SUCs (State Universities and Colleges)? Noong una, hirap na hirap si House appropriations committee... chairman Rep. Karlo Nograles kung papaano popondohan ito. Ayon sa Davao City solon, ang two-thirds ng pondo ay nakuha mula sa Department of Education samantalang ang iba pa ay (P6 bilyon) ay nakalap mula sa iba’t ibang scholarship programs ng SCs.
Tinitiyak ng administrasyong Duterte na mabibigyan ng malinis at maiinom na tubig ang 105 milyong Pilipino. Sinisikap ng Kamara na lumikha ng isang departamento na hahahawak sa water resources management sa bansa. Naku, sarap uminom ng malinis at ligtas na tubig. Sana ay ganito ang laging gawin ng mga kongresista, hindi iyong magpa-impeach ng mga opisyal ng hudikatura at constitutional bodies, at mag-cite ng contempt sa mga taong hindi nila gusto ang kasagutan sa mga tanong.