Ni: Bella Gamotea

Isang umano’y tulak ng ilegal na droga na UV Express driver ang naaresto ng mga pulis sa buy-bust operation sa Makati City, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ni Senior Supt. Jerry Umayao, hepe ng Makati City Police, ang suspek na si Noel Nanquilada y Supan, 51, may asawa, ng Teachers Compound, Barangay Northside, Makati.

Sa pagsisiyasat ni SPO3 Alejandro De Valid, ng Makati City Police, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) laban sa suspek sa Teachers Compound, dakong 7:30 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Isang pulis ang umaktong poseur buyer para makabili ng P300 halaga ng shabu, hanggang sa posasan na si Nanguilada sa aktong iniaabot ang droga.

Nakumpiska umano mula kay Nanguilada ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu, isa pang pakete ng hinihinalang shabu sa bulsa nito, isang Cherry Mobile cell phone, at P300 marked money.

Nakakulong na ang suspek, na kakasuhan sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) sa piskalya ng Makati.