Ni MARY ANN SANTIAGO
Wala pang naisasampang kaso ang Manila Police District (MPD) laban kay John Paul Solano na siyang itinuturing na pangunahing suspek sa pagpatay sa hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.
Sa kabila nito, nilinaw ni MPD Spokesperson Police Supt. Erwin Margarejo na mananatili sa kanilang kustodiya si Solano matapos nitong lumagda ng waiver of detention.
Ayon kay Margarejo, habang isinusulat ang balitang ito ay hinihintay pa nila ang nilagdaang salaysay ni Solano at maging ang kopya ng notarized waiver of detention nito.
“Tumatakbo na kasi ‘yung ating reglementary period na 36 hours, considering that we will be filing a violation of Anti-hazing law.... so ang reglementary period diyan ang maximum ay 36 hours before we can inquest him,” paliwanag ni Margarejo.
Nabatid na ang reglementary period ay ang takdang petsa kung kailan dapat makasuhan ang isang detenidong suspek sa krimen.
Dagdag pa ni Margarejo na ang voluntary surrender ay nangangahulugan na rin ng pagkakadakip, at kung 5:00 ng hapon kamakalawa naaresto si Solano ay mayroon lamang 36 na oras ang MPD upang isalang ito sa inquest proceedings sa Department of Justice (DoJ) para mga salang perjury at paglabag sa Anti-hazing law.
“I-inquest natin s’ya sa Department of Justice (sa Lunes) kaya we are still waiting for the waiver of detention na pinirmahan nila with the assistance of his lawyer at we are still waiting for his prepared statement na ginagawa ng kanyang abogado,” ani Margarejo.
“During the inquest proceeding, tatanungin siya (Solano) ng ating prosecutor if he will sign a waiver, ‘yung under Article 125, at kapag pumirma siya doon, the prosecutor has 15 days to issue a resolution. Depende if aakyat n’ya ‘yung information sa court or mare-release siya for further investigation,” paliwanag pa ni Margarejo.
Hanggang ngayon, aniya, ay hindi pa nila nababasa ang salaysay ni Solano hinggil sa nalalaman nito sa insidente ngunit umaasa silang malaki ang maitutulong nito sa pagresolba sa kaso.
“It will depend on his prepared statement na kanyang isa-submit. Considering if nakalagay doon sa statement is his only participation that he is only providing medical assistance as a medical provider, well, wala pong malaking breakthrough ‘yun. If nakalagay doon that he will be naming names and other participants or alleged fraternity hazing, well, malaking breakthrough po iyon,” paliwanag pa ni Margarejo.
Samantala, tiniyak ni Margarejo na kahit mag-isa lamang si Solano sa selda ay wala itong matatanggap na special treatment.