Nina JUN RAMIREZ, MARY ANN SANTIAGO, BETH CAMIA at MERLINA HERNANDO-MALIPOT

Nakalabas na ng bansa ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa University of Santo Tomas (UST) law student na si Horacio “Atio” Castillo III, ayon sa Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa abogadong si Ma. Antonette Mangrobang, tagapagsalita ng BI, base sa record ng ahensiya ay lumabas mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Ralph Caballes Trangia noong Setyembre 19. Siya ay sakay sa Eva Airways flight patungong Taipei.

Siya ay umalis dalawang araw matapos isugod ang bangkay ni Castillo sa Chinese General Hospital sa Maynila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Trangia, na isa sa 16 na persons of interest na kabilang sa immigration lookout bulletin order na inisyu ng Department of Justice, ang sinasabing driver ng pulang pickup na nagsugod kay Castillo sa ospital.

Sinasabing si Trangia ay miyembro ng Aegis Juris fraternity na sinasabing nag-hazing kay Castillo.

Sinabi ni Mangrobang na ang 15 iba pang nasa look-out list ay nananatiling nasa bansa.

MPD MAKIKIPAG-UGNAYAN SA DFA, INTERPOL

Hihingi ng tulong ang Manila Police District (MPD) sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa International Police Organization (Interpol) upang mapabilis ang pag-aresto kay Trangia.

Hihilingin umano ng MPD sa DFA na agad kanselahin ang pasaporte ni Trangia na makatutulong para mapabilis ang deportation sa oras na matunton ng Interpol.

DELA ROSA SA AEGIS JURIS MEMBERS: SUMUKO NA KAYO

Nanawagan kahapon si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga miyembro ng Aegis Juris Fraternity na sumuko na lamang at harapin ang problema sa pagkakasangkot sa pagpatay kay Castillo.

Naniniwala si Dela Rosa na hindi masasamang tao ang mga taong sangkot sa pag-hazing kay Castillo lalo pa’t sila ay pawang estudyante ng abogasiya.

Samantala, kinondena kahapon ni Commission on Higher Education (CHED) Patricia Licuanan ang pagpatay kay Castillo at inatasan ang regional office nito na “to look into this very tragic event.”

“First of all, let me just say that we condemn this act very strongly,” pahayag ni Licuanan nang tanungin ni Senador Juan Miguel Zubiri tungkol sa insidente. Ipinaliwanag ni Licuanan na wala silang natanggap na kahit anong report mula sa UST. “Basically, the school has not yet reported but we should be expecting that soon,” aniya.