Ni: Bert de Guzman

NAGPAALAM sa mga magulang para dumalo sa isang “welcome ceremony” ng isang fraternity, ang Aegis Juris ng University of Santo Tomas (UST), pero noong Linggo, si Horacio Tomas Topacio Castillo III ay natagpuang patay sa Balut, Tondo, Maynila na tadtad ng paso sa katawan. Kinondena ng UST ang pagkamatay ni Castillo, freshman law student, at inutos ng Faculty of Civil Law dean ng unibersidad, na si Nilo Divina, ang suspensiyon ng mga opisyal at miyembro ng Aegis Juris fraternity. 

Batay sa depinisyon ng salitang “fraternity”, ganito ang sinabi ng Thesaurus: “A local or national organization of male students, primarily for social purposes, usually with secret initiation and rites and a name composed of two or three greek letters. An organization for religious or charitable purposes; soladity.” Kung ganito ang kahulugan at layunin ng isang fraternity, bakit ang kabaligtaran nito ang nangyayari: Kamatayan sa halip na Kapatiran?

Natutuwa ang sambayanang Pilipino dahil si Fr. Rey Teresito Suganob ay nailigtas nang buhay ng militar. Nagpasalamat ang 51-anyos na paring Katoliko na may mahaba at puting balbas sa publiko, kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, AFP chief of staff Gen. Eduardo Año dahil sa pagkakaligtas sa kanya mula sa kamay ng teroristang Maute Group. Natagpuan siya at nailigtas 11.45 pm noong Sabado sa Barangay Sangkay, Dansalan, Marawi City. Kasama niyang nakaligtas si Lordbin Acopio ng Iloilo City.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Gusto ng Office of the Ombudsman na kasuhan at ma-convict si dating First Lady Imelda Marcos noong siya pa ay Batasan Assemblyman at Metro Manila Governor. Nakatagpo ang PCGG ng $658 million deposit ng mag-asawang Marcos sa Swiss banks.

Nakatakda raw kasuhan ng VACC si Sen. Risa Hontiveros. Ano na ang nangyayari sa VACC ni Dante Jimenez na dati ay laging sumusuporta sa mahihirap at biktima ng gobyerno? Ngayon ay kapanalig siya ng administrasyon at hindi nagpoprotesta sa mga pagpatay sa operasyon ng PNP laban sa drug pushers at users, maliban na lang sa pagkamatay ng ilang teenager.

Ngayon, dahil alam ng VACC na galit ang Duterte administration kay Hontiveros, nais nilang ahinan ito ng kasong kriminal. 

Sa halip na magdeklara ng holiday ngayon, Seytembre 21, ika-45 taon ng deklarasyon ng martial law, ideneklra ni President Rodirgo Roa Duterte ang araw na ito bilang Day of Protest. Suspendido ang mga trabaho sa tanggapan ng gobyerno at suspendido rin ang mga klase sa Metro Manila.

Sinabi ni Mano Digong na malaya ang sino man na magprotesta laban sa pamahalaan. “Sept 21 is not a holiday I have deklared it as a Day of Protest. All those who... want to protest against the government, the police, everyone, you can go down and we will protest.” Siya man daw ay magpoprotesta dahil maliit lang ang sahod niya bilang pangulo.

Hinimok pa niya ang mga miyembro ng media o mamamahayag na magprotesta rin dahil hindi sila tumatanggap ng tama at angkop na sahod mula sa kanilang employers. Tayo na!