Patay ang isang 75 taong gulang na babae matapos umano niyang subukang isalba mula sa nasusunog na bahay ang pondo ng simbahan sa Bulacan.
Ayon sa mga ulat, kabilang ang bahay ng biktima sa apat na mga bahay na tinupok ng apoy.
Lumalabas sa imbestigasyon na "church collection money" ang sinubukang balikan ng biktima dahil sa kaniya raw ito ipinagkatiwala ng kanilang simbahan.
Hinala ng kaanak ng biktima, posible umanong na-suffocate ang biktima o nadaganan ng mga nasusunog na bahay kung kaya't hindi na niya kinayang makalabas pa muli mula sa nasusunog nilang bahay.
Ayon pa sa imbestigasyon, nakalabas na raw silang lahat mula sa kanilang bahay, ngunit nagpumulit ang biktima na balikan ang pondo ng kanilang simbahan.
Matapos mapatay ang sunog, narekober ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima. Pawang ang kaniyang mga hita lang umano ang hindi naagnas ng apoy at halos hindi na raw makilala ng kaanak ng biktima ang kaniyang pagkakakilanlan.
Dumipensa naman ang Bureau of Fire Protection (BFP) mula sa mga alegasyong hindi raw sapat ang supply ng tubig ng fire truck nila kaya't hindi agarang naapula ang apoy.
Paliwanag ng BFP, masikip umano ang daraanan papasok ng compound kung kaya't nahirapan sila sa kanilang naging pagresponde.