Ni Edwin Rollon

Sports leader, nagkakaisa laban kay Cojuangco.

MAPUKAW ang atensiyon ng mga lider ng National Sports Associations (NSA) ang layunin ng mga grupo ng mga sports leader na magsasama-sama para sa ‘Sports Forum: Kilos sa Pagbabago’ na gaganapin sa Setyembre 21 sa Rizal Memorial Sports Coliseum sa Manila.

fernandez copy

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Iginiit ni Philippine Volleyball Federation (PVF) president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada na napuno na ang pagtitimpi ng mga atleta, coach, ang mga tagasuporta ng sports sa patuloy na pagsadsad ng Philippines sports mula nang pamunuan ni dating Tarlac Congressman Jose ‘Peping’ Cojuangco ang Philippine Olympic Committee (POC) noong 2004.

“Sobra na. Hindi lang ang pagbabalewala sa awtonomiya ng NSA ang nagpapabagal sa pag-angat ng sports sa bansa kundi ang kawalan ng tunay na programa para sa atletang Pinoy,” pahayag ni Cantada.

“Wala kaming kapangyarihan sa POC, ngunit naniniwala kami na maiintindihan ng ating mga sport leader na kailangan ang pagkilos para sa pagbabago,” aniya.

Kabilang ang PVF, ayon kay Cantada sa pinanghimasukan ni Cojuangco at ilegal na binuwag para mabuo ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. na pinamumunuan ni POC vice president Jose Romasanta.

“Under the POC by laws and constitution, kailangan bumuto ang one third nang POC membership (46) sa General Assembly para mapatalsik ang isang miyembrong NSA. Sa kaso ng PVF, hindi ito nagawa,” sambit ni Cantada.

Bukod sa volleyball, nagulo rin ang sports ng dragon boat, bowling, badminton, swimming at tennis.

Sa nakalipas na 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur, Malaysia, nanatiling nasa ikaanim na puwesto ang Pilipinas sa napagwagihang 24 gintong medalya, mababa sa 29 na naiuwi sa Singapore edition may dalawang taon na ang nakalilipas.

Iginiit naman ni Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez na walang kaunlaran sa sports bunsod nang patuloy na korapsyon sa POC.

“Kung nagamit sa tama para sa mga atleta ang mga pondong nakuha at dumaan sa POC, mas maganda siguro ang performance ng ating mga atleta. Since 2004 andyan na sa POC si Mr. Cojuangco, 14 years na after pero lalong bumagsak ang performance natin kahit sa SEA Games na lang,” pahayag ni Fernandez, isa sa sumusuporta sa panawagan nang pagbibitiw sa puwesto ni Cojuangco.

Sinabi naman ni dating athletics president Go Teng Kok, lider sa pagpapatalsik kay dating POC president Cristy Ramos-Jalasco (impeachment) noong dekada 90 na napapanahon ang pagkakaisa ng mga lider sa sports, subalit iginiit na tanging ang General Assembly lamang ang makapagpapaba kay Cojuangco sa puwesto.

“Nabago na ang by laws and constitution ng POC, but the General Assembly can still boot out Mr. Cojuangco on the grounds of ‘loss of confidence’,” pahayag ni Go.

“Puwede rin na hindi na umattend ang mga NSA leaders sa GA. Pag walang quorum, hindi magpa-function ang POC,” aniya.