Nina Jel Santos, Francis T. Wakefield, Fer Taboy, Jeffrey G. Damicog, at Orly L. Barcala

“Abnormal and filled with irregularities.”

Ganito inilarawan ni Sr. Supt. Jemar Modequillo, Caloocan police officer-in-charge, ang kontrobersiyal na follow-up operation ng mga pulis matapos mapanood ang closed-circuit television (CCTV) footage.

Noong gabi ng Setyembre 7, sinalakay ng mga pulis-Caloocan ang bahay ng isang 51-anyos na negosyante sa Barangay 188, Tala, Caloocan. Hindi nila alam na napapalibutan ng CCTV camera ang bahay.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Nakuha mula sa biktima ang kanyang mga relo, cell phone, at P30,000 cash.

Isang naarestong drug suspect, ayon sa Caloocan police, ang nagturo sa negosyante bilang source nito ng ilegal na droga. Sinabi ni Modequillo na ito ang dahilan kung bakit ito nagsagawa ng follow-up operation.

Sa CCTV video, napanood ang mga pulis na pawang armado ng baril at nakasuot ng bullet-proof vests.

Isang bata, na kasama ng mga pulis, ang napanood kumuha ng dalawang relo at isang cell phone.

Sinabi ni Modequillo na kinakailangang may search warrant ang mga pulis. Ngunit sa nasabing kaso, walang bitbit ang mga ito.

“Dapat kapag nanghimasok tayo ng pribadong lugar, dapat armed tayo ng search warrant. Hindi ko alam bakit pinayagan nilang magdala ng baril ang isang sibilyan, at kung bakit may isinama silang bata,” aniya.

Ipinagdiinan ni Modequillo na malinaw na napanood sa footage ang pagkuha ng bata sa mga gamit ng biktima, sinabing paano ito pinayagan. “May ginalaw talaga silang gamit.”

“May style pa silang pa-susssh, meaning alam niya,” sabi niya.

MGA SINIBAK, IIMBESTIGAHAN

Iimbestigahan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang mga pulis na napanood sa CCTV video.

Ayon kay PNP Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo, makatutulong ang imbestigasyon na matukoy ang pinag-ugatan ng insidente.

“Meron na po tayong ongoing investigation diyan,” sabi ni Triambulo.

“Ang IAS ay merong mandato to conduct an automatic investigation or motu proprio, lahat ng operation ng pulis na merong injury, death and violation of human rights,” dagdag niya.

BABALA SA PUBLIKO

Binalaan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang publiko laban sa mga pulis na nagnanais pumasok sa kanilang tahanan.

Ipinaliwanag ng secretary na hindi maaaring pumasok ang mga pulis sa isang bahay nang walang search warrant o permiso mula sa may-ari ng bahay.

“Strictly speaking, there would be no violation if you allowed them to conduct a search,” aniya.

“If you don’t want to let them in, politely decline and tell them you can’t let them in because they don’t have a search warrant,” payo niya.

‘WELCOME DEVELOPMENT’

Isa “welcome development” ang pagsibak ng National Capital Regional Office (NCRPO) sa buong puwersa ng Caloocan Police, dahil may rekomendasyon na si Mayor Oscar Malapitan na magsagawa ng malawakang balasahan sa hanay ng mga pulis.