Ni: Bella Gamotea
Nakatikim kahapon ng sermon si Undersecretary for Road Transport and Infrastructure at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Tim Orbos mula kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.
Ito ay matapos aminin ni Orbos na sumakay siya ng “habal-habal” o motorsiklo para lamang hindi ma-late sa pulong na dinaluhan nito sa tanggapan ng DOTr.
Dahil dito, hindi napigilang magmura ni Tugade lalo dahil batid ni Orbos na bawal ang ganitong uri ng transportasyon, na mistulang kinunsinti ng opisyal.
“I was really bothered if not alarmed by the statemet of Usec. Orbos. P*tang ina, naghabal-habal siya!” ani Tugade nang dumalo sa paglagda sa kasunduan para sa Toll Collection Interoperability sa Taguig City.
Sa pambungad na mensahe ni Orbos — na hepe ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) na may mandatong kastiguhin ang mga lumalabag sa batas-trapiko — inamin niyang sumakay siya sa habal-habal para hindi siya ma-late.
“Bawal ho ang habal-habal sa kalsada at lalong I will not tolerate making a function in DOTr as an excuse to use habal-habal,” sabi pa ni Tugade, at sinabing ang ginawa ni Orbos ay isang uri ng “unbecoming official” ng DOTr.
“I don't like it, Mr. Orbos. We should not at all allow or encourage the use of habal-habal,” sabi pa ni Tugade.