Ni: Mary Ann Santiago

Limang beses nagkaaberya ang mga tren ng Metro Rail Transit-Line 3 (MRT-3), na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang pasahero nito kahapon.

Sa abiso ng MRT-3, unang nagkaroon ng technical problem ang isa sa mga tren sa southbound lane ng Santolan Annapolis Station kaya napilitan silang magpababa ng mga pasahero, dakong 7:12 ng umaga.

Makalipas ang isang minuto, ganap na 7:13 ng umaga, ay nagkaroon ng panibagong aberya sa northbound lane sa pagitan ng Boni Avenue at ng Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagkaroon umano ng problema sa Automatic Train Protection (ATP) onboard signaling system ang bagong MRT-3 sa northbound ng Shaw Boulevard station, kaya bigla itong pumreno na nagresulta sa pagkakasugat ng dalawang pasahero.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Rails Cesar Chavez, kabilang sa mga nasugatan ang isang 30-anyos na babae na nagtamo ng gasgas sa kanang braso at isang 68-anyos na lalaki na nasaktan ang kaliwang dibdib. Kapwa sila nilapatan ng paunang lunas.

Dahil din sa technical problem, naganap ang ikatlong aberya sa northbound ng Magallanes station, bandang 8:15 ng umaga.

Nasundan pa ito sa ganap na 8:22 ng umaga (southbound) at 9:11 ng umaga (northbound), at napilitang pababain ang mga pasahero ng dalawa pang tren ng MRT-3 sa Boni station.