Ni: Celo Lagmay

MATAGAL nang natapos ang Southeast Asian Games (SEAG) na idinaos sa Malaysia. Hindi na kailangang maging sentro ng mga pagtatalo kung tayo man ay hindi gaanong nakaangat sa naturang sports competition; kung tayo man ay halos manatiling nasa laylayan ng 11 bansang kalahok sa paligsahang pampalakasan.

Totoo, 24 na gintong medalya lamang, bukod pa sa mga silver at bronze medals, ang ating nasungkit sa SEAG; masyadong maliit ang naturang bilang kung ihahambing sa ating natatamong karangalan sa nakalipas na mga kompetisyon; lalo na nga kung isasaalang-alang ang katakut-takot na medalya na napagwawagian ng ating mga kakumpetensiya.

Subalit naniniwala ako na ang nasabing mga karangalan ay sapat na upang taas-noo nating ipagmalaki ang ating mga atleta at mga lider ng iba’t ibang sports organization na nakipagsapalaran sa SEAG. Ginawa nila ang lahat upang maitampok, kahit na paano, ang ating bansa sa world map of sports. Dangan nga lamang at halos humilahod ang ating mga koponan kung itutulad sa mga bansang nakasusungkit ng mga gold medal sa lahat halos ng larangan ng palakasan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa bahaging ito, minsan pa nating gigisingin ang kamalayan ng daigdig ng palakasan o sports world hinggil sa pamamayani ng malikhaing liderato sa palakasan. Ibig sabihin, kailangang magkaroon ng malawakang pagbalasa sa pamunuan ng mga sports sector na maihahanay sa kalidad ng liderato ng mga sports leader sa mga bansa sa daigdig; hindi lamang sa SEAG kundi lalo na sa mga olympic groups at iba pang international sports organization. Kailangan ang mga lider na may malawak, makabago at malulusog na ideya sa pagsusulong ng palakasan.

Ang ganitong paninindigan ay hindi nangangahulugan ng pagmaliit sa kakayahan ng kasalukuyang liderato sa palaksan na totoo namang nag-ukol ng ibayong pagsisikap upang mangibabaw sa mga sports competition. Manapa, nais lamang nating lalong makilala ang ating bansa sa pagkakaroon ng mahuhusay na atleta at sports leader.

Hindi maililihim ang mistulang pag-iiringan ng ating kasalukuyang pamunuan ng palakasan. Sa isyu hinggil sa ating pagiging host country ng 2019 SEAG, halimbawa, halos magbangayan ang Philippine Sports Commission (PSC) at ang Philippine Olympic Committee (POC). Kinailangan pang makarating sa Malacañang ang naturang isyu upang matauhan ang nabanggit na pamunuan ng dalawang sports group.

Sa pagbalasa ng mga sports leadership, marapat na piliin ang mga pinuno na malawak ang pananaw sa pagsasanay, pagmamalasakit, makataong pag-aalaga sa mga atleta. Hindi paghinayangan ang puspusang pagtulong at paggabay sa kanila sa lahat ng pagkakataon, lalo na sa araw ng kompetisyon.

Ang ganitong mga estratehiya, at marami pang iba, ay matatamo natin sa pagkakaroon ng malikhang mga sports leader.