Nina LEONEL M. ABASOLA at VANNE ELAINE P. TERRAZOLA

Ibinulgar kahapon ni Senator Antonio Trillanes IV na miyembro ng Chinese Triad si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at ang katunayan dito ay ang “dragon-like” na tattoo umano sa likod ng bise alkalde.

Humarap kahapon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa P6.4-bilyon kargamento ng shabu na naipuslit sa Bureau of Customs (BoC) mula sa China kasama ang bayaw niyang si Atty. Mans Carpio, inamin ni Duterte na may tattoo siya sa likod pero tumangging ipakita ito.

“No way, and I invoke my right to privacy,” sabi ni Duterte.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Nakabase sa China, Hong Kong, at Macau, ang Chinese Triad ay isang international syndicate na nagsasagawa ng iba’t ibang krimen, kabilang ang pag-aangkat ng shabu.

Paliwanag ni Trillanes, may kumpetisyon sa kalakalan ng droga at aktibo umano rito ang bise alkalde, batay na rin sa impormasyong nakuha niya mula sa “intelligence community” ng ibang bansa, at handa niya umanong ipakita ito sa mga kapwa senador sa isang executive session.

SECRET DIGITS

“Ang sinasabi ay itong si Vice Mayor Paolo Duterte ay member ng triad at ang proof ng kanyang membership ay ‘yung tattoo sa likod. ‘Yan ang mag-e-explain ng lahat ng ito. At merong competition among syndicates,” ani Trilllanes

Aniya, ang “dragon-like tattoo” ay simbolo ng pagiging miyembro sa sindikato, at may “secret digits” umano para matukoy kung ano ang pagkakakilanlan ng may tattoo.

“If Vice Mayor Duterte is willing, we’ll take a photo of his tattoo and have it sent to the US-DEA US Drug Enforcement Agency,” giit ni Trillanes. “Again, Vice Mayor, if wala kang itinatago, bakit ayaw mong pakuhanan [ng litrato ang tattoo], eh ‘di wala namang made-decode?”

Sinabi rin ni Trillanes na miyembro rin umano ng nasabing sindikato ang umano’y drug lord na si Charlie Tan, at ang sinasabing middleman sa shabu shipment na sina Kenneth Dong at Davao City Councilor Nilo “Small” Abellera.

Nagpakita pa ang senador ng litrato na kasama ng magbayaw si Tan.

Inimbitahan sa pagdinig ang magbayaw makaraang mabanggit ng customs broker na si Mark Taguba ang pangalan ng mga ito sa pakikipagtransaksiyon ng huli sa sinasabing “Davao Group”.

TODO-TANGGI

Mariin namang itinanggi nina Pulong at Carpio na sangkot sila kurapsiyon sa BoC at may kinalaman sila sa Davao Group.

“Once and for all I now have the time to deny any and all baseless allegations thrown against me…I am very sorry…but I cannot answer allegations based on hearsay,” sabi ni Duterte.

“I am here to give due respect to the committee invitation and defer to the authority of the Senate to conduct inquiries in aid of legislation. Me and my brother-in-law have been publicly crucified based on rumors and gossips,” pambungad na pahayag naman ni Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

MILYUN-MILYON SA BANGKO

Inakusahan din ni Trillanes ang magbayaw ng pagkakaroon ng milyun-milyon sa kani-kanilang bank account sa Davao City.

Aniya, si Duterte ay may mahigit P104 milyon sa personal nitong bank account sa dalawang bangko sa Davao City, habang may P121 milyon naman umano si Carpio sa dalawa ring bangko.

Tumanggi si Duterte na kumpirmahin ang alegasyon ni Trillanes at tinawag itong “irrelevant”, habang tumanggi naman si Carpio.

Kapwa rin tumanggi ang magbayaw na lumagda sa waiver para mabuksan ang mga bank account ng mga ito.