Ni: Bert de Guzman
PARA kay President Rodrigo Roa Duterte (PRRD), si Sen. Antonio Trillanes IV ay maituturing na isang “political ISIS.”
Ang ISIS ay acronym ng Islamic State of Iraq and Syria na ang matayog na layunin ay magtatag ng isang caliphate sa buong mundo na ang maghahari ay paniniwala at ideolohiyang Islamic. Mababangis at walang awa ang IS militants sa mga kalaban.
Nais ni Trillanes na ipatawag sina Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte at Atty. Mans Carpio, ginoo ni Davao City Mayor Sara Duterte, ng Senate Blue Ribbon Committee upang magpaliwanag sa pagkakadawit sa smuggling sa Bureau of Customs (BoC). Parang atubili si Sen. Richard Gordon, chairman ng komite. Nabanggit ang pangalan nila ni Customs broker Mark Taguba.
Payag sina Mayor Sara at PRRD na dumalo sa pagdinig sina Pulong at Mans. Pinayuhan sila ni Mano Digong, lalo na si VM Duterte, na manahimik at huwag sagutin ang mga tanong ni Sen. Trillanes na ayon sa Pangulo ay “nangingisda” lang ng mga ebidensiya upang idiin ang anak. (Habang isinusulat ko ito, mukhang ipatatawag na rin ni Gordon sina Paolo at Mans sa pagdinig ng Senado. Marami ang nagtataka kay Gordon kung bakit atubili na imbitahan ang dalawa gayong agad ipinatatawag ang sino mang tao na nabanggit sa kontrobersiya.)
Ginigipit lang daw ni Trillanes sina VM Pulong at ang manugang na si Mans sapagkat galit na galit sa kanya ang Magdalo leader para idawit ang dalawa sa pagpupuslit ng bawal na droga sa Customs. Ayon kay Pres. Rody, ang Senado ngayon ay bumababa na ang reputasyon at naging instrumento ng harassment o panggigipit.
Parang nagbabago na naman ng pahayag si PRRD tungkol sa negosasyon sa pagsasauli ng bilyun-bilyong dolyar na halaga ng umano’y nakaw na yaman ng mga Marcos, kabilang ang mga ginto. Kung si ex-Manila Mayor Atienza ang paniniwalaan, meron daw 7,000 toneladang ginto ang Marcos Family. Kung isasauli lang ito, labis-labis na mababayaran ang foreign at domestic debts ng ‘Pinas.
Itinanggi ng Pangulo na nakipagkasundo na siya sa mga Marcos sapagkat hindi ito uubra dahil kailangan ang aksiyon ng Kongreso sa usapan at kasunduan. Itinanggi rin ni ex-First Lady Imelda R. Marcos na may ganitong usapan. May duda ang taumbayan na papayag ang mga heir ng diktador na si Marcos na ibalik ang ill-gotten wealth sapagkat kapag ito’y nangyari, parang inamin nila na talagang nagnakaw sila ng yaman ng bayan.
Sinabi sa akin ng kaibigang palabiro pero sarkastiko: “Buti na lang at may itinutumba na ngayon ang mga pulis ni Gen. Bato na drug lords. Ang pinakahuli ay si Richard Prevendido ng Iloilo City.” Sabad ng senior-jogger: “Akala ng publiko ay pawang mahihirap... at nakatsinelas na pushers at users lang ang kayang itumba ni Gen. Bato. Dapat ay mga bigating drug smugglers at suppliers naman ang nakatimbuwang.”
Ilan sa mga napatay na drug lords ay sina Mayor Espinosa, Odicta ng Iloilo City, Parojinog ng Ozamiz Ctiy at Prevendido ng Iloilo City. Itutuloy pa rin kaya ang operasyon laban kay Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ngayong patay na si Prevendido. Siyanga pala, bigla ring kinansela ang pagtatalaga kay Chief Inspector Jovie Espinedo matapos mapatay ang umano’y drug lord na si Prevendido. Bakit kaya? Hulaan nga ninyo!