Ni Edwin Rollon

149-member Team Philippines, sabak sa AIMAG.

KUMPIYANSA ang mga opisyal ng Team Philippines na makasasabay ang atletang Pinoy sa matitikas na atleta sa Asya at Oceania sa pagsabak sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) sa Setyembre 17-27 sa Ashgabat, Turkmenistan.

Ayon kay Raymund Lee Reyes, deputy Chief de Mission ng delegasyon, nakapaghanda ang atletang Pinoy na may kabuuang 105 para makasungkit ng medalya sa quadrennial Games na inorganisa ng Olympic Council of Asia (OCA).

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

“Mataas po ang standard criteria na ginamit namin para mapili ang mga atletang ipadadala natin. Yung mga gold and silver medal sa world championship at sa Sea Games automatic po kasama sa team,” sambit ni Reyes, secretary-general din ng Philippine Karate-do federation.

Nakatakdang umalis ang koponan sa Setyembre 14 at inaasahang makakaharap ang Pangulong Duterte sa kanilang ‘courtesy call’ sa Malacanang bago ang kanilang biyahe.

“Mataas po ang level ng kompetisyon dito, but we’re confident sa magiging laban ng ating mga atleta. Hopefully, makapag-uwi tayo nang mas maraming medalya dito para mabigyan natin ng kasiyahan ang bayan,” pahayag naman ni Dave Carter ng Judo Federation of the Philippines (JFP).

Kabuuang 45 bansa ang sasabak sa torneo, kabilang ang Australia, Cook Islands, Fiji, Guam, Kiribati, Marshall Islands, Federated States of Micronesia, Nauru, New Zealand, Palau, Papua New Guinea, Solomon Islands, Samoa, American Samoa, Tonga, Tuvalu, at Vanuatu.kabilang din ang pitong associate members ng ONOC tulad ng New Caledonia, Tokelau, Niue, Norfolk Island, Tahiti, Wallis at Futuna, Northern Marianas.

“It’s a big event and we at the PSC make sure that the athletes received all their needs from uniform, training, equipment, air fare and allowances,” pahayag ni Raul Dominic ‘Dino’ Badilla, Chief of Staff ng Philippine Sport Commission (PSC).

Aniya, naglaan ang ahensiya ng P30 milyon para tustusan ang pangangailangan ng mga atleta at mahigit 30 opisyal at staff sa kanilang kampanya na makapagwagi ng medalya sa sports na chess, futsal, tennis, muay thai, sambo, kurash, jiu jitsu, bowling, cycling (track), indoor athletics, weightlifting (Powerlifting), taekwondo (WTF), dance sport, belt wrestling, wrestling (FS/Greco Roman), at cue sport (Billiards and Snooker).