Ni: Ric Valmonte
TAPOS na ang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs sa P6.4 bilyong halaga ng shabu na naipuslit sa Bureau of Customs (BoC). Sa report na inilabas nito, 15 ang ipinanukala na remedyo upang hindi na ito maulit.
Kabilang dito ang pagsasampa ng kaso sa nagbitiw na BoC commissioner na si Nicador Faeldon. Dapat, base sa nasabing report, ay palitan ang BoC ng bagong ahensiya na iba ang sistema sa koleksiyon upang maiwasan ang kurapsiyon at mapalaki ang revenue collection. Upang maisakatuparan ang reporma, magbakasyon muna o kaya palitan ang lahat ng opisyal.
Sa nasabi ring report, pinapanagot sina Faeldon at Customs Intelligence and Investigation Director Neil Estrella sa hindi pagsunod sa mga patakaran na maaaring magpahina sa anumang kasong ihahain sa korte. Hindi umano sila nakipag-coordinate sa Philippine Drug Enforcement Agency nang salakayin nila ang warehouse na pinaglagakan ng shabu na labag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Wala raw silang search warrant nang samsamin ang droga, kaya inadmissible evidence na ito.
Bukod kina Faeldon at Estrella, ipinadedemanda rin ng komite sina BoC Deputy Commissioner Gerardo Gambala, Import Assessment Service Director Milo Maestrocampo at ang chief of staff ni Faeldon na si Mandy Therese Anderson. Sa mga pribadong indibiduwal na pinasasampahan ng kaso ay nangunguna si Customs “fixer” Mark Ruben Taguba. Kasama niya sina businessman Chen Ju long (a.k.a. Richard Tan o Richard Chen), Dong Yi Shan (a.k.a. Kenneth Dong), Li Guan Feng (a.k.a. Manny Li), shipment consignee Mae Tatad at customs broker Teejay Marcellana. Itong mga opisyal ng BOC at pribadong indibiduwal na pinanagot ng House Committee on Drugs sa P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment ay sila rin ang resource persons ng Senate Blue Ribbon Committee sa parallel investigation.
Nakabimbin pa ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee. Kung bakit nauna nang natapos ang House Committee on Drugs ay dahil ang imbestigasyon nito ay huminto lamang sa opisina ni Faeldon. Hindi ito lumayo sa hangad na mabatid kung bakit nakalusot ang bulto-bultong shabu at sinu-sino ang mga dapat managot. Hindi tulad sa Senate Blue Ribbon Committee, may mga miyembro ito na nagpipilit na malaman ang utak ng anomalya. Sa kabila ng ginagawang mga paraan upang ang mangyari lamang ay ang ginawa ng House Committee on Drugs na i-limit ng hanggang sa “Faeldon level” ang responsibilidad, pilit na pinipiga ang mga testigo, lalo na si Taguba, para isiwalat nito ang kanyang nalalaman tungkol sa mga maimpluwensiyang tao na tumulong sa kanya para madali niyang nailalabas sa BoC ang kanyang kargamento.
Tama lang ito, dahil kahit anong pagbabago ang gawin mo sa BoC, kung hindi naman mapipigil ang mga maimpluwensiyang tao sa pagiging ganid, wala ring mangyayari.