Ni REGGEE BONOAN
NAGULAT kami sa reaksiyon ng mga manonood nang ipakita ang trailer ng Loving In Tandem nina Maymay Entrata at Edward Barber kasama sina Kisses Delavin at Marco Gallo sa premiere night Love You To The Stars and Back.
Naghiyawan nang sabay-sabay kaya nagkatinginan kami ng mga katoto at nagkomentong, “Sikat na pala sila?”
Kasi naman, Bossing DMB, first movie pa lang nina Maymay at Edward ang Loving In Tandem, kung baga’y wala pang napapatunayan, pero heto at marami na kaagad ang naghihintay na maipalabas ito.
Sabagay kung walang fans si Maymay, eh, mananalo ba siya sa Pinoy Big Brother Lucky 7? At malaking bentahe pa dahil kasama si Maymay sa La Luna Sangre bilang si Apple na kapatid ni Tristan (Daniel Padilla).
May nakita ang ABS-CBN management sa dalagang taga-Misamis Oriental kaya inilagay kaagad siya sa La Luna Sangre at sinugalan ng Star Cinema para sa Loving In Tandem kasama si Edward. At dahil may boses, ipinagprodyus ng Star Music ng album nitong Toinks at sold-out kaagad sa launching.
Gusto pa naming sumikat nang husto si Maymay dahil napakabait na bata at magalang. Minsan na namin siyang naengkuwentro ni Bossing DMB sa isang event, hindi kami kilalang reporters, pero buong galang na lumapit, nag-abot ng kamay, at gusto pa ngang magmano!
Sana hindi siya magbago ‘pag super sikat na siya, di ba, Bossing DMB? Ganyan ang nagiging paborito nating artista dahil iilan na lang ang tulad nila.