Nina FER TABOY at TARA YAP

Titiyakin ng kapulisan sa Western Visayas na wala nang maghahari na drug lord sa Iloilo kasunod pagkakapatay kay Richard Prevendido.

Sinabi kahapon ni Chief Supt. Cesar Hawthorne Binag, director ng Police Regional Office sa Western Visayas, na hindi dapat mag-relax ang pulisya kahit napatay na si Prevendido at ang kanyang anak sa Iloilo City, nitong Biyernes ng gabi.

Batay sa mga kasong hawak ng pulisya, may isang grupo na maaaring humalili kay Prevendido, ang Bolivar drug syndicate na pinamumunuan ni Ernesto Bolivar.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ngunit ayon kay Binag, malaking bagay ang pagkawala ni Prevendido bilang pangunahing drug dealer sa Iloilo.

Umaasa siya na makatutulong ang pagkamatay ni Prevendido sa pagbago ng imahe ng Iloilo at Western Visayas at magbigay ng mensahe na walang puwang sa Iloilo ang mga drug lord.

Si Prevendido ang itinuring na pinakamatinik na drug lord sa Western Visayas matapos mapatay si Melvin Odicta, Sr. noong nakaraang taon.

Sa narco-list ni Pangulong Duterte, si Prevendido ay High Value Target Level 3.

Samantala, tiniyak ng mga tauhan ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog na babalik siya sa Pilipinas mula sa Japan.

“He is coming back,” pahayag ni Mark Piad, ang tagapagsalita ni Mabilog, nang makausap siya kahapon sa telepono ng Balita.

Pinabulaanan ni Piad ang mga espekulasyon na umalis si Mabilog matapos ilipat ni Pangulong Duterte si Chief Insp. Jovie Espenido sa Iloilo.

Si Espenido ang police chief nang mamatay sina Mayor Rolando Espinosa, Sr. ng Albuera, Leyte at Reynalod Parojinog ng Ozamiz City.

Ipinagdidiinan ni Duterte na magkasabwat sina Mabilog at Odicta.

Lumipad si Mabilog patungong Japan noong Agosto 30, isang araw bago ininspeksiyon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang bahay na tinawag ng Pangulo ng isang “palasyo”.