Ni: Clemen Bautista

BAHAGI na ng tradisyon sa Saint Clement parish sa Angono, Rizal ang pagdaraos ng Grand Marian Exhibit tuwing sasapit ang Setyembre. Ang Grand Marian Exhibit ay bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birheng Maria sa ika-8 ng Setyembre. Nasa unang palapag ng Formation Center ang Grand Marian Exhibit. Binuksan at sinimulan nitong Setyembre 2 na kinatatampukan ng 70 imahen ng Mahal na Birhen na may iba’t ibang tawag. Karamihan sa mga imahen ng Mahal na Birhen ay nasa pangangalaga ng mga naging tagapagmanang pamilya, mga anak at apo na pawang taga-Angono.

Ayon sa mga nag-aalaga ng mga imahen ng Mahal na Birhen, si Mama Mary ang kanilang tagapamagitan sa pagtawag sa Diyos. Sa lahat ng oras, lalo na tuwing may pagsubok, ay hindi naglalaho ang kanilang debosyon at panata sa Mahal na Birhen. Tuwing sasapit ang kapistahan at kaarawan ng Mahal na Birhen, sila ay naghahanda at nagpapakain sa mga nakipagprusisyon. Isang panata na hindi nalilimutan ng pamilya.

Pinangunahan ni Rev. Father Gerry Inarola, kura paroko ng Saint Clement parish, ang pagbubukas ng Grand Marian Exhibit sa pamamagitan ng pagbasa ng Ebanghelyo at maikling panalangin. Sinundan ng pagwiwisik ng holy water at pag-insenso sa lahat ng mga imahen ng Mahal na Bihen na nasa exhibit. Dumalo rin sa opening ng Marian Exhibit ang bumbuo sa pamunuan ng HERMANIDAD DE SANTISIMA MARIA DE ANGONO, iba’t ibang religious organization, mga parishioner at iba pang may panata at debosyon sa Mahal na Birhen. Sinundan ito ng Rosario Cantada para sa Mahal na Birhen.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kabilang sa 70 imahen ng Mahal na Birhen na nasa Grand Marian Exhibit ay ang imahen ng Our Lady of the Most Holy Rosary, Nuestra Señora de los Angeles, Our Lady of Guadalupe, Nuestra Señora del Pilar, Mahal na Birhen ng Pagbati at Pagkabuhay, Our Lady of Fatima, Virgen dela Rosa Mistica, Nuestra Señora de la Stella Maris, Our Lady of Lourdes, Our Lady of Mount Carmel, Nuestra Señora de Salvacion. Kasama rin ang imahen ng Nuestra Señora de las Estrellas, Nuestra Señora de Aranzasu, Immaculada Concepcion, Nuestra Señora de la Aurora, Nuestra Señora de la Merced, Our Lady of Peñafrancia Virgen de las Flores at iba pa.

Sa ganap na 6:00 ng umaga ng ika-8 ng Setyembre, isang misa ang idaraos sa Saint Clement parish. Susundan ng prusisyon, na tatampukan ng 48 pang ibang imahen ng Mahal na Birhen, bandang 4:00 ng hapon. Lalahok sa prusisyon ang mga mag-aaral ng iba’t ibang paaralan sa Angono, iba’t ibang religious organization, mga kabataan at mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen.

Ang pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen ay nagsimula sa Jerusalem noong unang panahon. Ipinagpatuloy ng simbahan noong 1687 sa pamamagitan ni Papa Sergio I.

Bilang mga Kristiyanong Katoliko, ang mga Pilipino sa kasaysayan at kultura ay nakilalang may malalim na debosyon sa Mahal na Birhen. Ang ngalan ni Maria ay naghahatid ng pag-asa, biyaya at tamis sa puso ng sambayanang Pilipino.