Ni LYKA MANALO
TANAUAN CITY, Batangas - Kapwa dead on the spot ang dalawang pulis habang sugatan naman sa ligaw na bala ang isang sibilyan matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa harap mismo ng Police Action Center (PAC) Base sa Barangay Tinurik, Tanauan City, Batangas, nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Batangas Police Provincial Office director Senior Supt. Randy Peralta, kinilala ang mga napatay na sina PO3 Edgar Oba-ob at PO1 Ryan Cedric De Guzman, kapwa nakatalaga sa Tanauan City Police.
Sugatan namang isinugod sa ospital ang sibilyan na si Bendio Valencia, matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Ayon sa report, dakong 10:00 ng gabi nang pagbabarilin ang mga biktima ng mga suspek na sakay sa isang puting van, isang pulang van at isang puting kotse, na matapos ang pamamaril ay nagsitakas patungo sa Barangay Natatas sa Tanauan.
Kabilang sina Oba-Ob at De Guzman sa mga pulis-Binangonan na inilipat sa Tanauan City kamakailan.
Nakarekober ang pulisya ng mga basyo ng .45 caliber pistol at armalite rifle sa lugar ng krimen, habang inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang.