Nina GENALYN D. KABILING, ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, at BETH CAMIA
“Paliit na nang paliit” ang mundo ng mga kalaban sa Marawi City sa pagkakabawi ng mga tropa ng pamahalaan sa police station at sa grand mosque sa lungsod, sinabi kahapon ng militar.
Ayon kay Armed Forces spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr. napakahalaga na nakamit ang pagkakabawi sa dalawang pasilidad mula sa mga terorista tungo sa “road to the liberation of Marawi City.”
“There were two very important operational achievements our troops were able to achieve over the last few days during this week. One was the retaking of the Marawi City Police Station, a significant development, a symbol of authority over in the city and it was located in a strategic point,” pahayag ni Padilla sa Palace press briefing.
“The second is the retaking of Marawi City Grand Mosque or the Islamic Center, an operation that allowed us to reach at this stage but it took almost a month before this was achieved,” dagdag niya.
Bilang resulta, sinabi niya na nabawasan na ang lugar ng bakbakan “to about one-half square kilometer grid.”
“The enemies’ world is getting smaller. Definitely, they used the grand mosque as a safe haven previously,” aniya.
Sa nasabing operasyon sa pagbawi sa mosque, sinabi ni Padilla na ginamitan nila ito ng “envelopmental approach,” at hindi ng “frontal attack,” upang mapangalagaan ang lugar.
Tatlong sundalo ang sugatan sa bakbakan. Gayunman, walang namataang hostage sa mosque.
DIGONG NAG-SNIPER
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpaputok ng sniper rifle sa teritoryo ng mga terorista sa ikatlo niyang pagbisita sa Marawi City, nitong Huwebes.
Ito ang isiniwalat ng Malacañang nitong Huwebes ng gabi sa pag-stop over ng Pangulo sa isang temporary patrol base kung saan niya sinubukan ang nasabing sniper rifle.
Kinumpirma rin kahapon ni Padilla na pinaputok ni Duterte ang rifle sa direksiyon ng mga kalaban.
Gayunman, sinabi ni Padilla na walang iniulat kung may tinamaan ang Pangulo na miyembro ng kalaban.