Ni: Erwin Beleo
SAN JUAN, La Union - Nahuli ang isa sa mga suspek sa panloloob at pagpatay sa isang overseas Filipino worker (OFW) matapos masita sa isang police checkpoint sa pagmamaneho umano nang walang helmet sa Barangay Nagsabaran sa San Juan, La Union.
Kinilala ang naaresto na si Rogelio Velasco, 26, may asawa, magsasaka, ng Bgy. Dasay.
Ayon kay Senior Insp. Juanito Baron, hepe ng San Juan Police, sinita umano si Velasco ng checkpoint police nang makitang wala itong suot na helmet, at nahulihan ng isang bala ng shotgun.
Kinalaunan ay inaresto ito ng mga pulis nang hindi naipaliwanag ang dala-dalang bala ng shotgun.
Agosto 12 nang binaril at napatay si Edgar Ursua, 33, seaman sa Singapore, ng limang armadong lalaki na umano’y nakasuot ng bonnet, matapos pasukin ang bahay ng biktima at kaladkarin palabas kasama ang iba pa.
Napag-alaman na kakauwi lamang ni Ursua galing sa ibang bansa ilang araw bago ito pinatay.
Inamin naman ng asawa ng biktima na si Manilyn Ursua, 25, na nagkaroon sila ng ilang-buwang relasyon ni Velasco, na ginamit naman ng mga imbestigador upang matukoy ang pagkakakilanlan ni Velasco at ng iba pang suspek, ayon kay Buaron.
Dagdag ni Manilyn, ipinagbubuntis niya ang anak nila ni Velasco bago pa umuwi ang kanyang asawa galing sa Singapore.
Sinabi rin ng ginang na si Velasco at ang mga kasamahan nito ang nanloob sa kanilang bahay at tumangay sa $100 (P100,000) at mga cell phone.
Kinasuhan na si Velasco ng robbery with homicide sa Office of the Provincial Prosecutor, habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang apat pang suspek.