Ni: Jeffrey Damicog at Beth Camia

Isang talunang kandidato para senador noong 2016 ang magsasampa sa Martes ng isa pang impeachment complaint laban kay Chief Justice Maria Lourdes Serena pagkatapos mangako umano sa kanya ang limang kongresista na magbibigay ng endorsement.

Ito ang pahayag ng pro-federalism lawyer na si Larry Gadon matapos ipagkaloob ng Supreme Court en banc ang kanyang request na pagkuha ng mga dokumento na gagamitin niya sa impeachment complaint na magkakaroon ng 26 articles of impeachment.

Nasa Korte Suprema kahapon at nitong Huwebes si Gadon upang kumuha ng certified true copy ng mga dokumento na kanyang hiniling.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Tiniyak niya sa mga reporter na hindi siya magkakaroon ng problema sa paghahanap ng mga congressman na mag-eendorso sa impeachment complaint laban kay Sereno.

“Madali mag-endorse. Matagal ko na sila kausap,” sabi niya sa reporters.

Nang tanungin kung ilan ang kongresistang nangakong tutulong sa kanyang impeachment complaint, ang sagot ni Gadon, “lima unang kausap ko.”

Ang SC en banc ay nag-isyu ng resolusyon na may petsang Agosto 15 na nagkakaloob sa kanyang request na 22 kopya ng mga dokumento na gagamitin niya sa impeachment complaint. Siyam na dokumento na ang natatanggap niya.

Kabilang sa mga ito ang Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Sereno simula 2010 hanggang 2017 at ang original at amended copies na ayon kay Gadon ay magiging malakas na ebidensiya laban sa Chief Justice.

Ipinaliwanag ni Gadon na hindi nakadeklara sa mga SALN ang milyun-milyong piso na kinita ni Sereno bilang abogada ng pamahalaan laban sa Philippine International Air Terminals Co. Inc. (PIATCO).

Sinabi ni Gadon na makikita rin sa mga dokumento ang umano’y maluluhong biyahe ni Sereno.

Una nang naghain ng impeachment complaint ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated laban kay Sereno ngayong buwan, pero wala pang nag-eendorso nito sa Kamara.