NI: Lyka Manalo at Genalyn Kabiling
STO. TOMAS, Batangas – Binuksan na sa Sto. Tomas, Batangas ang kauna-unahang pabrika ng solar panel sa bansa—at sa pamamagitan nito ay may opsiyon na ang publiko para sa mas mababang gastusin sa kuryente.
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inagurasyon ng Solar Philippines Factory nitong Miyerkules sa First Philippines Industrial Park (FPIP) sa Barangay Sta. Anastacia sa Sto. Tomas.
Ayon kay Duterte, napapanahon ang pagkakaroon ng solar panel factory sa bansa at tiniyak na handang tumulong ang pamahalaan sa mga proyekto ng nasabing kumpanya.
“I look forward to the realization of the company's goal to be the largest exporter of solar panels next to China.
Rest assured that we in government will continue to support,” ani Duterte.
Sa pangunguna ng presidente nitong si Leandro Leviste, anak ni Senator Loren Legarda, ang kumpanya ay may partnership sa mga kumpanya sa China sa paggawa ng mga solar panel, at ini-export ang mga ito sa Amerika at Europa.
“At full capacity, the factory will produce 2.5 million panels per year, enough to supply the growing demand of the Philippines and also export to the US and Europe,” sabi ni Leviste.
Aniya, kung dati ay umaabot sa P100,000 ang gastos sa standard solar installation na may 1KWh, sa kanilang kumpanya ay aabot lamang ito ng P80,000 at maaari pang hulugan kada buwan.
“We don't measure our success in terms of profits or revenues, but our contribution towards the development of the Philippines. This factory will create 50,000 jobs for the solar industry, from manufacturing to installation,” sabi pa ni Leviste.
Humanga naman si Pangulong Duterte sa talino at vision ni Leviste at sinabi niyang kay Legarda na puwedeng-puwedeng pumalit sa kanya ang anak nito.
“Senadora Loren, may kandidato na ako ng Presidente (sa) 2022. Does it sound nice? President Leandro Leviste?” sabi ng Pangulo, at ipinakilala pa ang senadora bilang “incoming First Mother”.