Ni: Leonel Abasola, Beth Camia, at Argyll Cyrus Geducos

Matapos mapabalitang inamin sa Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na ang 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos nga ang nakitang kinakaladkad nila sa isinapublikong CCTV footage, sinabi kahapon ng mga pulis-Caloocan na itinuturong pumatay sa binatilyo na isang police asset ang kinakaladkad nila sa video at hindi ang Grade 11 student.

Sa pagtatanong ni Senator Bam Aquino sa pagsisimula kahapon ng imbestigasyon ng Senado sa pagpatay kay delos Santos, itinanggi nina PO3 Arnel Oares, at PO1s Jerwin Cruz at Jeremias Pereda na si delos Santos ang kanilang bitbit, kundi ang kanila umanong asset. Sina Cruz at Pereda ang sinasabing kumaladkad sa binatilyo.

Iginiit naman ng tatlong pulis ang kanilang “right to self incrimination” kaya hindi na sina napiilit ng mga senador na sagutin ang mga katanungan ng mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nabatid din sa pagdinig kahapon na nakaluhod si delos Santos nang barilin ng mga pulis nitong Agosto 16 batay sa pagsasalaysay ng mga forensic expert.

Batay sa resulta ng ballistics test, natukoy na tugma ang baril ni Oares sa mga slug na nakuha sa crime scene, ayon sa ulat ni Chief Insp. Amor Cerillo, ang hepe ng tatlong pulis.

Nagulat naman si PNP chief Director Gen. Ronald dela Rosa nang ipakita sa kanya ang larawan ni delos Santos habang nakaluhod sa eskinita.

“Kriminal ka! Murderer ka! Hindi ka law enforcer,” sabi ni dela Rosa.

Sinabi naman kahapon ng Public Attorney’s Office (PAO) na posibleng dalawang tao ang bumaril kay delos Santos, base sa trajectory ng mga balang tumama sa binatilyo.

Ayon kay PAO forensic consultant Erwin Efre, posibleng ibang tao ang nagpaputok sa likod ni Kian at iba rin ang nagpaputok ng finishing shot.

Inamin naman ni Senior Supt. Chito Bersaluna, ang sinibak na hepe ng Caloocan City Police na social media, partikular ang Facebook, ang naging batayan nila sa pag-uugnay kay delos Santos sa droga.

Samantala, iginiit din kahapon ng Malacañang na isang seryosong usapin ang pagkamatay ni delos Santos, taliwas sa opinyon ni Secretary Vitaliano Aguirre II na pinalaki na lang ng media ang isyu.

“Blown out of proportion in the media kaya akala mo napakalaki na,” ani Aguirre. “Giyera ito, eh. Magkakaroon talaga ng casualty, whether it be an adult or children.”

Kinontra naman ang kalihim ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella: “Let’s put it this way: like we have said, there is death in the seriousness regarding the matter. That is the opinion of Secretary Aguirre. But from the Palace’s point of view this is a serious matter and we have given it the kind of due attention.

Nakatakdang maghain ng kaso ang pamilya delos Santos ngayong Biyernes sa Department of Justice laban sa tatlong pulis-Caloocan na pumatay sa binatilyo.