Ni Abigail Daño

Nag-trending sa lokal na Twitter ang #FireMocha makaraang umani ng batikos mula sa netizens ang mistulang hamon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Margaux “Mocha” Uson sa ilang pulitiko na dalawin ang isang pulis na namatay sa anti-drug operation.

Gayunman, nabatid na ang nai-link niyang report tungkol sa pagkamatay ng isang pulis ay noong isang taon pa nailathala ng isang pahayagan.

Sa nasabing post ni Uson bandang 7:03 ng gabi nitong Martes ay may caption na: “Calling Leni, Bam, Trillanes at Hontiveros. Kelan niyo dadalawin ito?”, na tinukoy sina Vice President Leni Robredo, Senators Bam Aquino, Antonio Trillanes IV, at Risa Hontiveros.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Matatandaang dumalaw ng apat na nabanggit na opisyal sa lamay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd Delos Santos, na umano’y nanlaban sa mga pulis kaya pinagbabaril.

Binura kaagad ni Uson ang nasabing post kasabay ng pagsasapribado ng kanyang account na @MochaUson. Gayunman, umani na ito ng reaksiyon mula sa netizens.

“The Philippines does not deserve fake news. We do not deserve to be called Dilawan just bcos we are not kaDDS. We are kababayan,” tweet ni Honey Allaine (@eniallaine).

“Since Mocha is a hardworking public servant. She deserve these awards: Miss Communication, Miss Information, Miss Representation,” saad naman sa tweet ni Jc Gabertan (@gabrant001).

“Number 1 fake news peddler. We deserve better,” komento ni Asar Ahai (@airalagunzad).

Matatandaang una nang binatikos si Uson sa artikulo niyang nananawagan na ipagdasal ang mga sundalong nakikipaglaban sa Marawi City, na may kalakip na larawan ng mga sundalo ng Honduras, at may caption na: “Let’s pray for our army.

Let’s also pray for the families that were left behind and are concerned about the well-being of their husbands and fathers”.

Sa depensa ni Uson, sinabi niyang simbolismo lamang ang litrato.