Nina JEFFREY G. DAMICOG, LEONEL M. ABASOLA, at MARY ANN SANTIAGO
Ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang inatasang mag-imbestiga sa diumano’y P1 bilyon undeclared assets ng dati nitong chairman at ngayo’y Commission on Elections (Comelec) Andres Bautista.
Kaugnay nito, naglabas si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ng Department Order No. 551 na nagbibigay ng awtoridad sa PCGG na imbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian at hindi maipaliwanag na yaman ni Bautista.
Kabilang sa mga nais niyang paimbestigahan ang ulat ng Commission on Audit (COA) sa mahigit P1milyon unliquidated cash disbursements mula sa Philippine National Bank (PNB) Dollar Escrow Accounts ng PCGG sa panahon ni Bautista, at iniulat na pang-aabuso sa sequestered assets ng PCGG.
Hiniling naman ni Senador Francis Escudero kay Bautista na ipasilip ang kanyang mga bank account sa Luzon Development Bank (LDB) para mabigyang-linaw ang mga alegasyon ng tagong-yaman nito.
“Nakikiusap ako kay Chairman Bautista, para magkaroon ng malayang investigation at nang makapagbigay ng angkop na kasagutan at nang parang hindi nagmumukhang may tinatago ang mga bangko, na magbigay ng waiver,” hirit ni Escudero sa imbestigasyon ng Senate Committee on Banks and Financial Institutions sa posibleng paglabag ng LDP sa Anti Money Laundering Law.
Iginiit ni Sen. Grace Poe na dapat iniulat ng LDB sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang anumang hindi pangkaraniwang transaksiyon sa kanilang bangko.
“Dapat na nai-report ng LDB ang anumang bagay na labas sa ordinaryong transaksyon tulad ng sunod-sunod na deposito na ginawa araw-araw at umaabot sa milyun-milyon ang kabuuan,” anang Poe.
Nabunyag na may 35 accounts sa LDB si Bautisa na umaabot sa P329 milyon, batay sa akusasyon ng asawa nitong si Patricia. Ang bawat deposito ay mababa sa P500,000 halagang itinakda ng Anti-Money Laundering Law na dapat i-report sa Anti-Money Laundering Council bilang suspicious transaction.
Samantala, kinumpirma ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hinikayat niya si Bautista na mag-leave of absence muna dahil naaapektuhan na ang ahensiya sa isyung kinakaharap nito, partikular na ang kanilang budget hearing.
“Budget po ito. Nakakatakot ho kasi baka magalit sila (Congress) sa amin at bawasan po yung budget namin. 2018 is our preparation year for the 2019 elections. Nakakabahala lang at sana naman ‘di mabawasan yung budget namin,” aniya pa.