Ni BELLA GAMOTEA

Arestado ang limang barangay tanod makaraang makumbinsi ng awtoridad na isuko ang narekober nilang electronic bike (e-bike) at makumpiskahan ng halos kalahating kilo ng umano’y shabu at iba pang uri ng ilegal na droga sa Makati City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. ang mga naaresto na sina Alvin Notado, John Russel Ching, Diosdado Sta. Romana, Dennis Dalisay at Leo Dela Cruz, pawang nasa hustong gulang at miyembro ng Bantay Bayan ng Barangay San Antonio, Makati City.

Sa ulat na ipinarating sa SPD, nakumbinsi ng mga pulis ang limang tanod na i-surrender ang narekober nilang abandonadong e-bike sa bahagi ng Bgy. San Antonio sa nasabing lungsod, pasado 8:00 ng gabi noong Agosto 2.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bukod sa e-bike, nasamsam din ng awtoridad mula sa mga suspek ang tinatayang nasa 450 gramo ng umano’y shabu, tatlong pakete ng umano’y marijuana, sampung vials ng kesotea at tatlong piraso ng hinihinalang ecstasy.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Makati City Police at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 27 (Criminal Liability of a Public Officer or Employee for Misappropriation, Misapplication or Failure to Account for the Confiscated, Seized and/or Surrendered Dangerous Drugs & others) ng Article II, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.