NI: Light A. Nolasco

TALAVERA, Nueva Ecija – Dalawang katao ang napatay dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga sa Nueva Ecija.

Sa ulat ni Supt. Joe Neil E. Rojo, OIC ng Talavera Police, kay Senior Supt. Antonio C. Yarra, Nueva Ecija Police Provincial Office director, bandang 3:40 ng umaga kahapon nang magkasa ng operasyon ang nagsanib-puwersang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Talavera Station Drug Enforcement Unit (TSDEU) sa Purok 7, Barangay San Pascual.

Nakipagtransaksiyon ang mga poseur buyer, na umano’y natunugan ng mga suspek hanggang magkabarilan at mapatay ang dalawa.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Kinilala ang mga napatay na sina Edward Tobias Villavicencio, alyas “Lusaw”, 29, binata, tricycle driver; at Jonathan Talingting Torrijos, alyas Dodong, kapwa taga-Bgy. Barrera, Cabanatuan City.

Nakumpiska mula kay Tobias ang isang .380 caliber pistol na may tatlong bala, at tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu, habang nakumpiska naman kay Talinting ang isang pistolized Magnum .22, apat na bala, dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu, at isang motorsiklo.